Home NATIONWIDE Komisyon ng enforcer sa traffic violation tickets, pinatatanggal ng solon

Komisyon ng enforcer sa traffic violation tickets, pinatatanggal ng solon

MANILA, Philippines – Dapat tanggalin o ihinto ang pagbibigay ng komisyon o insentibo sa bawat traffic violation ticket na ibinabahagi sa enforcer dahil nabubuksan dito ang korapsiyon sa lansangan.

Bukod dito, natuklasan din ni Senador Raffy Tulfo na ibinibigay ang kapangyarihan na manghuli sa matataas na opisyal ng pulisya ngunit hindi sila tumatanod sa lansangan upang personal na sumita o magbigay ng tiket sa paglabag.

“I-stop na natin ‘tong practice na nagbibigay ng incentive meaning nagbibigay ng commission sa bawat ticket na na-issue because that will open doors to corruption or extortion,” ayon kay Tulfo sa ginanap na pagdinig ng Senate Committee on Public Services kasama ang Local Government and Finance.

Aniya, dapat itigil ang pagkilos na pagbibigay ng kapangyarihan sa high-ranking police official ng traffic citation ticket na inaabuso dahil hindi sila mismo ang nakatanod sa lansangan.

Inamin ni Land Transportation Office (LTO) Executive Director Greg Pua, Jr., na binibigyan niya ng kapangyarihan ang high-ranking officers kapag nakapadala sila sa akmang pagsasanay at lumahok sa seminar.

Ayon kay Tulfo, kailangan itaas ang ceiling sa kuwalipikasyon at dapat ang patrolman ang itatalaga ng LTO dahil sila mismo ang nasa lansangan.

“Colonel ang nakapirma sa ticket, ang nag-issue si patrolman,” aniya.

Tugon naman ni Pua na kanilang iimbestigahan ang suhestiyon ng senador.

Inihalimbawa naman ni 1-Rider Party-list Rep. Bonifacio Bosita, na isang major ng Las Piñas ang deputado ng LTO ngunit isang patrolman ang nagbibigay ng traffic violation ticket. Bukod dito, nagbibigay din ng 20 porsiyentong insentibo ang local government sa pulis.

“Para ma-issue iyang ticket at maging legal ang pag-issue ng ticket si major dapat nandun sa site, siya mismo nakakita ng violation at siya yung pipirma, mag-e-explain sa traffic violator,” ayon kay Tulfo.

Dahil dito, inatasan ng senador si Las Piñas Traffic Management Office Jose Gonzales na bawiin ang lahat ng citation tickets.

Tiniyak naman ng PNP na kanilang pagsasabihan ang lahat ng senior police officials mula sa local government units (LGUs) na iwasan ang deputization.

Binanggit pa ni Bosita na nakausap nila ang isang district officer ng LTO na sinabon dahil mababa ang kita sa pagbibigay ng traffic citation ticket.

“For so many times, nakita po natin parang may pwersa doon nagtutulak sa enforcers niyo sa LTO e. Kahit mali-mali yung huli talagang pinipilit nila,” aniya. Ernie Reyes