IPINAG-UTOS ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang paglikha ng crisis committee upang matiyak na matatag ang oil supply at protektahan ang mga consumer mula sa epekto ng labanan sa Gitnang Silangan.
Sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na ang direktiba ay ipinalabas bago pa lumutang ang panukala at isinasapinal na ang pormal na dokumento.
Ani Castro, tututukan ng crisis body ang pag-secure ng supply chains at tiyakin ang patuloy na availability ng fuel at iba pang pangunahing kalakal. Wala namang ibinigay na karagdagang detalye sa bagay na ito.
Nilinaw din ni Castro na habang ang global tensions ang dahilan ng pagtaas ng presyo ng langis, hindi naman nararanasan ng Pilipinas ang krisis sa suplay ng langis.
“Sa ngayon ay hindi pa kinukonsidera na mayroon tayong oil crisis dahil kumpleto po tayo at enough po ang supply ng langis,” ang sinabi ni Castro, tinukoy ang Department of Energy (DOE).
Idinagdag pa nito na ang gobyerno ay aktibong nagtatrabaho at gumagawa ng paraan para mapigilan ang “supply disruptions.”
“Nagpupursige po ang DOE at ang pamahalaang ito, sa utos na rin po ni Pangulong Marcos Jr., na hindi mapatid ang suplay ng langis o produktong petrolyo sa ating bansa,” ang pahayag nito.
Sa kabilang dako, sinabi ni Castro na ang nagpapatuloy na negosasyon para sa karagdagang fuel imports, kabilang na ang 440,000 barrels, ay nasa pipeline na at inaasahan naman ang panibagong 600,000 barrels.
Tinugunan din ng Malacañang ang pag-aalala ukol sa pagtaas ng pump prices. Ayon dito, sa ilalim ng Oil Deregulation Law, ang fuel prices ay base sa umiiral na international benchmarks kaysa sa acquisition costs.
“Ang pump prices po ngayon ang nagre-reflect ng current global market conditions… at hindi sa historical acquisition cost,” ang sinabi ni Castro.
Binigyang-diin nito na habang hindi magawa ng gobyerno na magdikta ng presyo, ang mga regulator ay maaaring umakto laban sa pang-aabuso.
Samantala, sinabi ni Castro na sa kabila ng price pressures, patuloy ang ginagawang pagmo-monitor ng gobyerno at ipinatutupad na hakbang para pagaanin ang epekto sa publiko. (Kris Jose)