Home METRO P20/kg bigas, umarangkada sa Pasay

P20/kg bigas, umarangkada sa Pasay

199
0

MANILA, Philippines – Umarangkada na ang programang “Benteng Bigas, Meron Na” ng Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa lungsod ng Pasay na pinangunahan ni Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano, kasama si Pasay Congressman Tony Calixto at ilang opisyal ng lungsod.

Mahigit sa isang libong residente ang makikinabang sa naturang programa na “Benteng Bigas, Meron Na,” at naglaan ang FTI ng mahigit dalawang daang sako ng bigas para dito.

Via Cesar Morales

Ayon sa FTI, ang mga nasa laylayan na mga kababayan ay maaaring kumuha ng 20 kilo ng bigas sa loob ng isang buwan, at ang mga pampublikong driver ay maaaring makabili ng 10 kilo kada buwan.

Ang naturang programa ay isa sa mga solusyon ng gobyerno sa nararanasang krisis sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin dahil sa pagtaas ng presyo ng gasolina sa merkado dulot ng patuloy na kaguluhan sa Middle East.

Ayon kay Mayor Emi, ito ay mahalagang hakbang ng ating gobyerno para sa abot-kaya at dekalidad na pagkain para sa mga kababayan ng lungsod ng Pasay.

Tuwang-tuwa, aniya, ang alkalde at nagpasalamat kay Pangulong Marcos dahil agad na tinugunan ang kanyang kahilingan para sa murang bigas para sa mga residente ng Pasay.

Sinuri, aniya, ng alkalde bago ipamahagi ang benteng bigas at ipinaluto pa ito at tinikman upang matiyak na dekalidad ang mabibiling murang bigas sa halagang bente pesos.

Hiniling ng alkalde sa mamamayan ang pakikipagtulungan sa national government at sa Pangulo upang mas mapadali ang pagpapatupad ng mga programa ng gobyerno sa tulong din ng lokal na pamahalaan. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here