MANILA, Philippines – Iginiit ng Philippine National Police (PNP) na ang komprontasyon sa pagitan ng Highway Patrol Group (HPG) at mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) sa operasyon sa Bulacan ay isang “isolated incident.”
Sa press briefing sa Camp Crame nitong Miyerkules, Agosto 26, sinabi ni PNP public information chief Col. Allen Rae Co na ipinag-utos na ni Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., ang Directorate for Investigation and Detective Management (DIDM) na imbestigahan ang insidente.
“We value our relationship with the BOC. This is an isolated incident,” giit ni Co.
Sa ulat, may 12 tauhan ng HPG National Capital Region ang nagkasa umano ng raid sa isang warehouse na naglalaman ng mga ismagel na sigarilyo sa Sta. Maria, Bulacan noong Agosto 19, pinosasan ang ilang tauhan ng BOC, bago umawat ang kani-kanilang mga opisyal.
Nanindigan ang HPG na layon ng operasyon na kumpiskahin ang mga sigarilyo at arestuhin ang dalawang tauhan ng BOC na sangkot sa umano’y reselling ng kontrabando, ngunit sinabi naman ng ahensya na nagsasagawa sila ng lehitimong operasyon para sunugin ang mga nakumpiskang produkto bilang bahagi ng standard procedures.
Inalis na sa pwesto ang sangkot na mga tauhan ng HPG habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Nais naman ni BOC Commissioner Ariel Nepomuceno na magsampa ng reklamong administratibo sa National Police Commission (Napolcom).
“All units concerned na pwedeng gamitin ng DIDM ay magagamit rito sa pag-imbestiga to get to the truth regarding all circumstances regarding the incident,” paliwanag ni Co.
Nagtitiwala naman ang Malakanyang sa PNP at BOC na iimbestigahan ang insidente nang patas. RNT/JGC