MANILA, Philippines – Itinanggi ni Vice President Sara Duterte na may personal siyang koneksyon kay Ramil Madriaga, na kamakailan lang ay nagpakilala bilang dating aide niya at umano’y tagapamahagi ng pera.
Ayon kay Duterte, hindi niya kailanman binisita si Madriaga sa kulungan at hindi rin nakipag-usap sa kanya tungkol sa anumang bagay.
“Wala akong personal na relasyon kay Ramil Madriaga, at hindi ko siya kailanman binigyan ng anumang utos. Hindi ko siya kailanman binisita sa kulungan at hindi rin kami nag-usap tungkol sa anumang bagay,” aniya nitong Lunes, Disyembre 22.
Tinawag ni Duterte ang mga paratang ni Madriaga bilang isang desperadong paraan para makalaya ito sa kulungan. Inakusahan niya si Madriaga na nagkalat ng maling impormasyon upang hadlangan at sirain ang posibleng kandidatura niya bilang presidente.
“Si Mr. Madriaga, na kasalukuyang may malubhang kaso at may naunang kriminal na rekord, ay tila kumikilos nang desperado para makalaya,” dagdag niya.
“Ngayon, nagkakalat siya ng maling pahayag sa mga ahensya ng gobyerno bilang bahagi ng pagsisikap na hadlangan at sirain ang aking posibleng kandidatura sa pagka-Presidente,” ani Duterte.
Pinabulaanan din ni Duterte ang mga larawan na isinubmit ni Madriaga, at sinabi na ang mga ito ay kuha sa mga pampublikong okasyon na dinaluhan din niya, kaya hindi nito suportado ang alegasyon ni Madriaga.
“Ang mga larawan na isinubmit niya ay kuha sa mga pampublikong okasyon kung saan naroroon din ako. Hindi pinatutunayan ng mga larawang ito ang kanyang mga alegasyon at ipinapakita lamang na naroroon siya bilang bahagi ng grupo sa kampanya,” dagdag niya.
Ani Duterte, walang ebidensiya si Madriaga na isinama — walang dokumento o ibang patunay, puro paratang lang.
“Walang ebidensiya, puro paratang lang na paulit-ulit, ay hindi mahalaga,” diin niya.
Noong nakaraang linggo, nagsumite si Madriaga sa Office of the Ombudsman ng affidavit na nagdedetalye ng kanyang alegasyon na ang pondo ng kampanya ni Duterte noong 2022 ay galing sa mga drug dealer at sa mga POGO na ipinagbawal na. RNT/MND