MULING nangalampag ang grupo ng mga manggagawa hinggil sa hinihingi nilang dagdag na arawang sahod sa gitna ng mga ingay sa dalawang kapulungan ng kongreso.
Abala ang mga senador sa pagsisiyasat sa kaso nitong Philippine Offshore Gaming Operators at sa mga kakabit nitong isyu gaya ng human trafficking.
Ang Kamara naman ay ayaw ring patalo at lumikha pa nga ng apat na komite (QuadComm) para talupan ang patayan sa inilunsad na “war on drugs” ng administrasyong Duterte.
Sinabayan pa ito nang paghalukay sa umano’y paglustay sa pondo ng Department of Education at Office of the Vice President.
Gamit ang salitang “in aid of legislation”, halatang inilunsad ang mga imbestigasyon kuno para lang wasakin mga Duterte dahil si VP Sara ay malakas na kandidato sa pagkapangulo sa 2028 presidential elections.
Kitang-kita na may kamay na kumukumpas o sabihin nating may malaking taong nasa likod upang palagapakin ang posibleng kandidatura ni VP Sara sa susunod na pampanguluhang halalan.
Samakatuwid ang mga ingay sa Senado at Kamara, sa napakaagang panahon, ay “grandstanding” lang ng mga kakandidato, partikular ngayong midterm elections.
Habang nangangalkal ang ating mambubutas, este, mga mambabatas, nganga naman ang mga pobreng manggagawa, at ang mga mahihirap na Pilipino sa paghihintay kung kailan naman aayusin ang kanilang kabuhayan.
Itinuro ni Sen. Juan Miguel Zubiri ang House of Representatives bilang may sala kung bakit hanggang ngayon ay hindi pa naisasabatas ang “P100 Daily Minimum Wage Increase Act” na sana ay magsasalba sa maraming Pilipino sa paghihirap.
Ayon kay Senator Migz, noong Pebrero pa ng kasalukuyang taon inaprubahan ng Senado ang Senate Bill 2534 na magtataas ng sahod ng mga obrero habang ibinasura naman ito ng mga kongresista.
Sa katunayan, umapela pa si Zubiri sa taumbayan na kausapin o gisingin ang kanilang mga kongresista para aprubahan din ang sariling bersyon ng Kamara nang sa gayon ay maipasa ang “P100 Daily Minimum Wage Increase Act” at mapalagdaan kay Pangulong Marcos, Jr.
Ang problema nga lang, mukhang wala itong pag-asang maisabatas lalo’t kontra rito ang karamihan ng mga kongresista, as in, ayaw nila na kahit papaano ay guminhawa ang buhay ng maliliit na manggagawa.
Hindi iniisip ng magagaling nating kongresista ang kapakanan ng mga manggagawa at mahihirap habang sila ay busog na busog sa sweldo mula sa buwis ng taumbayan bukod sa maaaring makuhang “gantimpala” kapag tuluyang napahilahod ang mga Duterte. Huwag na tayong magbolahan sa totoo lang.
Ang nakapagtataka rin, bakit itong mga partilistang mga makamanggagawa o makabayan kuno ay tahimik din sa hiling ng taumbayan na umento sa sahod. Nabusalan na rin ba sila?