NAGSIMULA bilang police reporter sa print media noong dekada 80, malayo na nga ang narating ng ating kaibigang si ACT-CIS partylist Representative Erwin Tulfo.
Walang nag-akala, kasama na ako at ganon din marahil si Cong. Erwin na dadalhin siya ng kapalaran sa estado at kinalalagyan ng kanyang buhay sa kasalukuyan.
Kumbaga sa pelikula, blockbuster ang ‘Biyahe ng Buhay’ ng long time broadcast journalist turned – secretary ng Department of Social Welfare and Development.
Tigasin ang katauhan sa pagtalima sa kanyang profession pero sa likod ng katapangan ay malambot na puso ang nananalaytay kay Rep. Tulfo lalo na sa mga kapus-palad.
Ang angking ugaling matulungin sa mahihirap ang marahil nag-engganyo kay Pangulong Bongbong Marcos para hirangin siyang topman ng Welfare Department.
Sa ahensyang ito ng pamahalaan ay naging sandigan ng mga nangangailangan kaya kung tawagin siya ni Pangulong Marcos ay ‘Ama ng Saklolo’ at ‘Kakampi ng mga Inaapi’.
Marami itong ginawang pagbabago kaya itinuring na certified performer sa DSWD, subali’t naging maiksi ang serbisyo dahil pinutol ng Commission on Appointment.
Nakapanghihinayang pero, marahil iyon ang senaryo ng tadhana para mapadpad ang dating journalist sa kongreso kung saan ipinagpatuloy ang paglilingkod.
Pero, tila ayaw papigil ang maaliwalas na panahon para kay Cong. Erwin dahil sa mga poll survey para sa 2025 midterm elections, siya ay nangunguna sa pagka-senador.
Sa lahat ng mga isinagawang survey ay mataas na 60 porsyentong grado mula sa tao, senyales na mapagtatagumpayan ang paparating na halalan sa Mayo.
Hihiramin ko lang ang ‘di nakakaligtaang kataga o expression ng palabirong kongresista sa tuwing kami ay may viber chat “Bata mo ako” soon to be Senator Erwin Tulfo.