Home OPINION WHAT’S GOOD FOR THE GOOSE…?

WHAT’S GOOD FOR THE GOOSE…?

PAG-USAPAN natin ang budget ng Office of the President at subukan nating i-apply ang parehong pagigiit ng oversight at makatwirang pananagutan sa paggastos sa bawat piso na umaabot hanggang bilyun-bilyon galing sa bulsa ng mga Pilipino.

Iniimbitahan ko ang ating mga mambabatas sa parehong kapulungan —Senado at Kamara — na sagutin kung bakit nakalusot ang tanggapan ng Pangulo — sa ikatlong sunod na taon — sa masusing paghihimay ng pondo, na karapat-dapat lang naman gawin sa taunan nitong budget.

Makukuntento na lang ba tayo sa sagot na iyon daw kasi ang tradisyon at bilang pagbibigay ng parliamentary courtesy? Dahil kung tatanggapin na lang natin ang palusot na ito nang hindi nagtataas ng kilay – ‘yan din mismo, kung ganoon, ang pamumulitikang pinupuna natin laban kay VP.

‘Di ba parang maia-apply natin sa kasong ito ang kasabihang “what’s good for the goose, good for the gander”?

Pasensya na kung inungkat ko ito, pero ang OP ay mayroon ding bilyon-bilyong pisong halaga ng confidential funds, contingent appropriations, at napakalaking gastusin sa pagbibiyahe na bumandera pa nga sa mga dyaryo sa nakalipas na dalawang taon. O ako na lang yata ang nakaaalala?

Ang budgetary oversight — na trabaho ng Kongreso — ay umiiral dahil sa isang napakasolidong demokratikong dahilan. Walang tanggapan, malaki man o maliit, ang dapat makalusot dito. At kung nirerespeto ni Pangulong Bongbong Marcos ang mga prinsipyong ito ng demokrasya, sigurado akong sasang-ayon siya.

                          *         *         *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app (dating Twitter).