MANILA, Philippines – Posibleng palawigin ang voter registration period sa mga lugar na apektado ng bagyong Julian, particular na sa Northern Luzon, sinabi ni Commission on Elections (Comelec) Chairperson George Erwin Garcia nitong Lunes, Setyembre 30.
Sa kabila nito, sinabi naman ni Garcia na wala nang magiging extension sa mga lugar na hindi naman apektado ng bagyo gaya ng National Capital Region (NCR).
“Ngayong araw ang katapusan ng registration of voters. Bagamat sinabi namin hindi kami magpapa-extend ng registration subalit kasalukuyang binabagyo ‘yung mga kababayan natin sa may Northern Luzon kung kaya binigyan namin ng authority ang regional offices na nasa kanila na ang discretion kung hindi ipagpapatuloy ang voter registration ngayon para ito ay mai-reset sa ibang araw,” sinabi ni Garcia kasabay ng briefing para sa paghahanda sa 2025 national and local elections at Bangsamoro polls.
“Kung kakailanganin, halimbawa na bukas, kaya lang magkakasabay ito sa simula ng filing ng certificates of candidacy (COCs) na tatagal hanggang October 8,” ani Garcia.
Nagtapos ngayong araw ang voter registration period para sa 2025 May polls. Nagsimula ito noong Pebrero 12.
Hanggang Setyembre 17, nakapagproseso ang Comelec ng nasa 6,442,112 registrations para sa 2025 national and local elections.
Samantala, 5,376,630 botante naman ang na-deactivate at kabuuang 714,152 botante ang binura sa listahan. RNT/JGC