Home METRO Konsehal itinalaga bilang alkalde sa MisOcc

Konsehal itinalaga bilang alkalde sa MisOcc

BONIFACIO, Misamis Occidental- Itinalaga bilang alkalde at pangalawang alkalde ang dalawang konsehal sa bayang ito matapos pababain sa pwesto ang mag-asawang Bonifacio na sina Misamis Occidental mayor Samson Dumanjug at misis nitong si Vice Mayor Evelyn Dumanjug noong Hulyo 30, 2023.

Tumatayo ngayon bilang acting mayor ng Bonifacio si 1st councilor Ricky Bulahan at acting Vice mayor naman si 2nd councilor Loloy Cuizon.

Nanindigan naman ang Department of the Interior and Local Government (DILG) sa ipinalabas nilang 2023 Suspension Order laban sa alkalde.

Sa ilalim ng Administrative Order 22 s. 2011, ang suspension order ng Sangguniang Panlalawigan ay maaaring iapela sa Office of the President (OP) sa loob ng 15 araw mula nang ipalabas ang naturang kautusan subalit hindi umano umapela ang alkalde sa pag-aakalang tapos na ang kaso nitong kinasasangkutan.

Ang mag-asawang Dumanjug ay sinuspinde ng Sangguniang Panlalawigan ng Misamis Occidental simula Mayo 30 dahil sa “betrayal of public trust.”

“Ang 2023 Suspension Order laban kay Mayor Dumanjug ay naging pinal at executory. Further, there was no stay of execution issued by any proper office or court,” ayon kay Undersecretary Lord Villanueva.

Umalma naman si mayor Dumanjug sa pag-isyu sa kanya ng nasabing kautusan dahil ginamitan umano siya ng pwersa ng mga pulis sa loob ng kanyang tanggapan hanggang sa humingi na ito ng tulong sa Senado at kamakailan lamang ay dininig ito.

Itinanggi naman ni Misamis Occidental provincial board member Eduardo Cebedo ang pagmamaltrato sa alkalde. Mary Anne Sapico