
NANGANGANIB maibasura ang kontrata ng dalawang contractor na humahakot ng basura sa Maynila – Metrowaste at PhilEco, sa oras na hindi nila maabot ang inaasahan sa kanila ng bagong uupong alkalde ng Lungsod ng Maynila.
Kasi naman, hanggang ngayon ay kabi-kabila pa rin ang bunton ng mga basura sa maraming lugar sa lungsod ng Maynila at sa mga pangunahing lansangan, lalo na sa mga kalsadang malapit sa mga palengke.
Isa sa dahilan kung bakit naiipon ang mga basura sa maraming pangunahing lansangan ay dahil inilalabas na rito ng mga residenteng naninirahan sa mga maliliit na kalye kahit wala pang dumarating na trak ng basura.
Hindi kasi tulad noon, may maliliit na garbage truck compactor ang dating kontraktor na Leonel Waste Management Corp. na nakakapasok sa mga maliliit na kalsada kaya hindi na kailangan pang itambak ng mga residente sa labas ng lansangan ang naiipong basura.
Ang isa pa, iba-iba kasi ang oras ng dating ng trak ng basura ngayon kaya inaagahan na lang ng mga residenteng ilabas ang basura o kaya ay nakalagpas na bago nila ito mailabas.
Kung tutuusin, may pananagutan din naman ang mga residente, lalo na ang mga opisyal ng barangay, kapag wala sa lugar ang ginagawang paglalabas ng basura ng mga residente.
Tulad kasi ng nakagawian ng mga Pinoy, magaling lang tayo sa umpisa kapag mahigpit ang kampanya, lalo na sa pagpapatupad ng batas sa ilalim ng RA 9003 o ang Ecological Solid Waste Management Act of 2000 na may katapat na kaukulang parusa sa mga mahuhuling lumalabag.
Kapag lumamig na ang kampanya, balik na naman sa dati at kung saan-saan na lang itinatapon ng mga pasaway na residente ang kani-kanilang mga basura at kesehoda na kung damputin o hindi ito ng trak ng basura.
At eto pa nga pala, bukod sa mga basura, nais din ni incoming Mayor-elect Francisco “Isko Moreno’ Domagoso na maging maluwag na muli ang daloy ng trapiko sa mga lugar na una na niyang nilinis noon pero masikip na naman ngayon bunga ng pagsakop ng vendors sa kahabaan ng lansangan.
Kaya malamang, tiyak na magkakaroon ng malawakang balasahan, hindi lamang sa hanay ng pulisya, kundi maging sa mga nakatalagang traffic enforcers at hawkers division na sila dapat mangalaga sa mga illegal parking at illegal vendors sa lansangan.
Maaaring magpadala ng inyong puna at reklamo sa aking email address na [email protected] o pwede rin magpadala ng mensahe sa 0995-1048357.