Home OPINION PAHIYAS FESTIVAL, MAKULAY NA TRADISYON NG MGA TAGA-LUCBAN

PAHIYAS FESTIVAL, MAKULAY NA TRADISYON NG MGA TAGA-LUCBAN

IPINAGDIRIWANG ng Lucban, Quezon ang masaya, makulay na tradisyon ng mga taga-Lucban, at relihiyosong selebrasyon ng pasasalamat at kapistahan ni San Isidro Labrador ang patron ng mga magsasaka. Sa pamamagitan ng “Pahiyas Festival” kung saan taon-taong nagpapagandahan ang mga bahay sa pagdedekorasyon na nagpapakita ng masaganang ani at malalim na tradisyon.

Ang pestibal na nangangahulugang “precious offering” ay sinasabing nagsimula noong 16th Century buhat sa pasa­lin-saling kuwento sa buhay ni San Isidro Labrador na mula pa sa Mexico. At mula noon ay na­ging tradisyon nang ginagawa sa ba­yan ng Lucban.

Pangunahing tampok sa se­lebrasyon ang prusisyon ng ima­hen ni San Isidro Labrador kasunod ang kanyang asawa, si Sta. Maria de la Cabeza, na sinasamahan ng paper mache ng mag-asawang magsasaka na umiikot sa buong bayan.

Sinasalubong ang prusisyon ng makukulay na “kiping” na ina­ayos na parang chandelier o anomang maisipang malikhaing disenyo, at hahaluan ng mga naaning gulay at prutas. Pagpapakita at paghiling ito ng masaganang ani para sa mga magsasaka, na siyang pinagkukunan nila ng kanilang ikinabubuhay.

Ang kiping ay isang makulay at malutong na dekorasyon na gawa sa giniling na bigas na karaniwang hugis dahon at pinapakulay gamit ang mga natural na pangkulay tulad ng achuete, pandan, at iba pa. Pinatutuyo ito at niluluto sa pamamagitan ng pagpapasingaw o pag-iihaw para tumigas at magkaroon ng mala-tsitseryang texture.

Nasaksihang mismo ng inyong Agarang Serbisyo Lady ang paggamit ng kiping ng mga taga Lucban. Ang gaganda at makukulay ang mga dekoras­yong gawa sa giniling na bigas na may kasamang mga prutas, gulay, at iba pang ani upang palamutian ang kanilang mga bahay, na sumisimbolo ng kasipagan, ka­saganahan, at pagkakaisa ng komunidad.

Bukod sa pagiging palamuti sa mga bahay tuwing pista, ang kiping ay maaari ring kainin na kadalasan ito’y pinipritong parang chips at minsan ay ni­lalagyan ng asukal. Isa ito sa pangunahing simbolo ng kasaganahan at pasasalamat ng mga taga-Lucban.

Bagaman isa nang kompe­tisyon ang pagpapabonggahan ng mga bahay taon-taon, hindi pa rin nawawala ang malalim na kahulugan ng gawaing ito para sa mga deboto at mananampa­lataya.

Malalim ang ugat ng pinagmulan nito, nasa pagtitiwala at pananampalataya sa Diyos na nagbibigay palagi ng biyaya.