MANILA, Philippines- Inihayag ni Immigration Commissioner Joel Anthony M. Viado na handa silang makipagtulungan sa Senado hinggil sa isasagawang pagsisiyasat sa mga umano’y katiwalian sa ahensiya.
“We believe that the planned hearings at the Senate will help us further ferret out the undesirable elements in the agency and to sustain the momentum of our reforms,” ani Viado.
Inilabas ni Viado ang pahayag bilang tugon sa pahayag ni Sen. Sherwin Gatchalian na magsasagawa ang Senado ng pagtatanong sa “white paper” na nagmula umano sa mga “concerned BI employees” na nag-akusa sa commissioner ng katiwalian, kabilang ang paggawa ng mga paborableng aksyon para sa mga taong sangkot sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs).
Sinabi ni Viado na inatasan niya ang mga opisyal at tauhan ng BI na palawigin ang kanilang buong kooperasyon at partisipasyon sa Senate Investigation sa mga umano’y anomalya sa ahensya.
Tiniyak naman ni Viado sa mga opisyal at tauhan ng BI na wala silang dapat ikatakot dahil si Senator Gatchalian ay may track record ng pagiging patas at walang kinikilingan.
Kasabay nito, hinimok ni Viado ang “concerned employees” na iniulat na naglabas ng “white paper” na lumabas upang tumulong sa imbestigasyon.
Tiniyak naman ni Viado ang buong proteksyon ng kanyang opisina sa mga tinatawag na empleyado. JR Reyes