Home NATIONWIDE Kooperasyon sa South China Sea, tiniyak ng Pilipinas

Kooperasyon sa South China Sea, tiniyak ng Pilipinas

152
0

MANILA, Philippines – Tiniyak ng Pilipinas na mananatiling dagat ng kapayapaan at katatagan ang South China Sea kasunod ng pahayag ng China na handang pabilisin ang negosasyon para sa Code of Conduct (COC) sa ilalim ng pamumuno ng Pilipinas bilang ASEAN Chair.

Ayon kay Chinese Foreign Minister Wang Yi, nais ng China na “reach an agreement as soon as possible” para sa COC na magsisilbing gabay sa pamamahala ng alitan, pagtitiwala, at kooperasyon sa rehiyon. Idinagdag niya na umaasa silang kikilos ang Pilipinas nang may responsibilidad bilang ASEAN Chair at hindi magpapadala sa sariling interes.

Binigyang-diin naman ni DFA Secretary Ma. Theresa Lazaro noong Miyerkules, Marso 11, na ang Pilipinas ay may malinaw na tungkulin sa rehiyon at sa pandaigdigang komunidad.

“The Philippines is committed to taking credible, professional, and steady stewardship of the ASEAN Chairship this year as we seek collective solutions to regional concerns, including in the maritime domain,” ani Lazaro.

Dagdag pa niya, ang Pilipinas ay mananatiling tagapangalaga ng kapayapaan, katatagan, at kooperasyon sa South China Sea, at makikipagtulungan sa lahat ng ASEAN member states at China para maisakatuparan ang epektibo at legal na COC sa loob ng taon.

Binanggit ni Lazaro na ang COC ay dapat naaayon sa international law, lalo na sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS), at hindi dapat mabawasan ang karapatan ng ibang bansa o lumikha ng espesyal na rehimen sa rehiyon.

Tiniyak rin ng DFA na ipagpapatuloy ng Pilipinas ang ASEAN unity at centrality sa mga isyung maritime habang pinangangalagaan ang soberanya, karapatan, at hurisdiksyon ng bansa. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here