MANILA, Philippines – Tinalakay ng Pilipinas at ng Olympic Council of Asia (OCA) ang mas pinatibay na kooperasyon sa larangan ng sports development, kabilang ang training ng mga atleta, ayon sa Presidential Communications Office (PCO).
Nakipagpulong si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. kay Sheikh Joaan bin Hamad Al-Thani, pangulo ng Qatar Olympic Committee at opisyal ng OCA, sa Malacañang noong Biyernes.
Pinag-usapan nila ang pagpapalakas ng institutional collaboration at ang posibilidad na maging host ang Pilipinas ng mga regional at international sports competitions sa hinaharap.
Binigyang-diin ng magkabilang panig ang kahalagahan ng mas malalim na ugnayan sa OCA upang mapalawak ang access ng mga Pilipinong atleta sa mga training program at resources.
Ayon sa PCO, ito ang unang mataas na antas na pagpupulong sa pagitan ng OCA at kasalukuyang administrasyon, na nagpapakita ng tiwala sa Pilipinas bilang partner sa sports excellence at regional cooperation.
Ang OCA ay isang independent international sports organization sa Asia na may 45 national Olympic committees bilang miyembro. RNT/MND