MANILA, Philippines – COMMITTED ang Department of Education (DepEd) na paigtingin ang pagsisikap nito na baligtarin ang “learning crisis” sa loob ng termino ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Ang pahayag na ito ng DepEd ay matapos magbabala ang United Nations Children’s Fund (UNICEF) ukol sa paglaganap ng “learning crisis” sa Pilipinas matapos ang COVID-19 pandemic.
“We can manage it pero kailangan ng kilos. And we have the leadership of the President. He has promised to devote resources to it,” ang sinabi ni Education Secretary Sonny Angara.
Inilarawan ni Angara ang learning crisis bilang kawalan ng kakayahan ng mga estudyante na matuto sa tamang grade level.
Muli namang inulit nito ang naunang panawagan ni Pangulong Marcos na “focus on the basics,” kabilang na rito ang pagbabasa at pagbibilang, upang matulungan ang mga mag-aaral na maka-recover mula sa epekto ng pandemya.
Gayundin, binanggit ni Angara ang implementasyon ng summer programs upang matulungan ang mga mag-aaral na makahabol.
Samantala, inilunsad naman ng DepEd ang healthcare services para sa kapakinabangan ng mga guro at mag-aaral sa Esteban Abada Elementary School sa Quezon City, sa pakikipagtulungan sa Department of Health (DOH) at Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).
Tinatayang may 500 benepisyaryo ang binigyan ng free check-ups, consultations, health advice, diagnostic services, at gamot, bukod sa iba pa.
Maliban dito, inalok din ang mga mag-aaral ng free registration sa PhilHealth upang magkaroon sila ng access sa Konsulta at iba pang PhilHealth packages.
Sa ilalim ng Konsulta program, ang mga mag-aaral at guro ay magpapatala sa PhilHealth’s National Health Insurance Program, kung saan pagkakalooban sila ng access sa mga check-ups, laboratories, at pangunahing health services. Kris Jose