Home HOME BANNER STORY Krisis sa tubig sa Metro Manila malabo sa tag-init – MWSS

Krisis sa tubig sa Metro Manila malabo sa tag-init – MWSS

MANILA, Philippines – Tiniyak ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) nitong Martes na hindi magkakaroon ng shortage o kakulangan sa tubig ang Metro Manila sa darating na tag-init.

Ayon kay MWSS Engineering and Technical Operations Acting Deputy Administrator Patrick James Dizon, hindi magiging problema ang supply ng tubig dahil sa mataas na water level ng Angat Dam noong pagtatapos ng 2024.

Umabot ito sa 212 metro at pumalo pa sa 215 metro noong kalagitnaan ng Enero 2025.

Sa kasalukuyan, nasa 213.26 metro ang tubig sa Angat Dam, mas mataas sa normal na 200 metro.

Inaasahang nasa 201 metro ito sa pagtatapos ng Abril at 194 metro pagsapit ng Mayo—mas mataas pa rin kaysa sa 188 metrong naitala noong Mayo 2024. Karaniwan, nasa pagitan ng 190 hanggang 200 metro ang water level tuwing tag-init.

Nilinaw rin ni Dizon na kung may magaganap mang water interruptions, ito ay dahil lamang sa maintenance, valve activities, o pag-aayos ng tagas, at hindi dahil sa kakulangan ng tubig.

Dagdag pa rito, patuloy ang MWSS sa pagpapalawak ng water sources tulad ng mga treatment plant sa Laguna Lake, Cavite, at Marikina. Sa kasalukuyan, 9% ng suplay ng tubig sa Metro Manila ay mula sa Laguna Lake, habang ang natitirang 1% ay mula sa deep wells at modular treatment plants.

Gayunpaman, hinimok ni Dizon ang publiko na patuloy na magtipid sa tubig upang makatulong sa pagharap sa epekto ng climate change. Santi Celario