Home HOME BANNER STORY P16.31-T utang bumulaga sa mga Pinoy sa 2025

P16.31-T utang bumulaga sa mga Pinoy sa 2025

MANILA, Philippines – Bumulaga sa mga Pilipino sa taong 2025 ang record-high na sovereign debt o utang na P16.31 trilyon hanggang sa pagtatapos ng Enero, batay sa datos ng Bureau of the Treasury (BTr).

Tumaas ang utang ng Pilipinas ng 1.63% mula sa P16.05 trilyong naitala noong Disyembre 2024.

Ayon sa Treasury, nananatiling kontrolado ang antas ng utang na ito at tugma sa layunin ng pamahalaan na suportahan ang pag-unlad ng ekonomiya habang pinapanatili ang fiscal sustainability. Umabot naman sa 60.7% ang debt-to-GDP ratio ng bansa sa pagtatapos ng 2024, bahagyang lumampas sa tinatanggap na 60% benchmark.

Ang pagtaas ng utang ay dulot ng pagpasok ng bagong domestic at external loans, kasama ang pagbaba ng halaga ng piso kontra dolyar — mula P57.847:$1 noong Disyembre 2024 hanggang P58.375:$1 noong Enero 2025.

67.9% ng kabuuang utang ay lokal, umabot sa P11.08 trilyon dahil sa net issuance ng government securities na P152.17 bilyon. Samantala, 32.1% ay dayuhang utang na umabot sa P5.228 trilyon, bunsod ng bagong foreign loans at hindi magandang currency revaluation.

Nauna nang nagbabala si Finance Secretary Ralph Recto na maaaring umabot sa P20 trilyon ang sovereign debt ng Pilipinas pagsapit ng 2028, sa pagtatapos ng termino ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. Gayunpaman, naniniwala siyang mas mabilis ang paglago ng ekonomiya kaysa sa pagtaas ng utang. RNT