Home OPINION KUNG AKO SI CHIZ, MAGBIBITIW AKO

KUNG AKO SI CHIZ, MAGBIBITIW AKO

1
0

KUNG ako si Senate Impeachment Court Presiding Officer Francis “Chiz” Escudero, magbibitiw na ako. (kaya lang, hindi ikaw si Chiz – Ed)

Hindi dahil ayaw niyang tanggapin ang desisyon ng nakararami. Hindi dahil gusto niyang takasan ang proseso. Magbibitiw siya dahil para sa kanya, harapan nang binastos ng kanyang mga kasama ang ruling na siya mismo ang naglatag at ipinatupad sa simula ng impeachment proceedings.

Mula pa lamang noong Hulyo 6, malinaw ang posisyon ni Escudero: 16 na boto ang kailangan para ma-convict si Vice President Sara Duterte, batay sa two-thirds ng 24 na miyembro ng Senado. Iyon ang itinakda niyang threshold bilang presiding officer ng impeachment court.

Pero nitong Setyembre 23, biglang nagbago ang ihip ng hangin.

Sa botong 13-1, binago ng impeachment court ang naunang ruling at ginawang batayan ang bilang ng mga senador na legal at aktuwal na maaaring lumahok sa proceedings. Si Escudero ang nag-iisang bumoto laban sa pagbabago.

Maswerte ang mga kasama ni Escudero dahil nakapagtimpi siya. Pero, ako ang hindi nakapagtimpi. He He He.

Kung ako si Chiz, bakit ko hinayaang manatili ako bilang presiding officer ng isang prosesong binaligtad mismo ng aking mga kasamahan ang ruling na una kong ipinahayag?

Hindi ito simpleng pagbabago ng meeting procedure. Ang pinag-uusapan ay ang constitutional threshold sa isang impeachment trial. Ang 16 na boto ay naging 13 dahil nagbago ang paraan ng pagbibilang ng mga senador na dapat isama sa denominator.

Maaaring may ligal na paliwanag ang impeachment court. Maaaring may mga abogado at dating mahistrado na sumang-ayon sa kanilang interpretasyon. Ngunit para sa akin, hindi nabubura ng haba ng deliberasyon ang bigat ng pagbabago.

Bilang opinyon ko: kung hindi na pinaniniwalaan ng karamihan ang ruling ng presiding officer at kaya nilang baligtarin ito sa ganitong kritikal na yugto, mas marangal para kay Chiz na magbitiw.

Hindi dahil natalo siya sa boto.

Kundi dahil minsan, ang pagbibitiw ang pinakamalinaw na paraan upang ipakitang hindi mo kinukunsinti ang isang prosesong hindi ka na sang-ayon sa direksyong tinatahak.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here