NUNG nakarating sa akin ang balita na napasugod at ayaw umalis ni Vice President Sara Duterte sa Batasan Pambansa — ang teritoryo ng pinakamatitindi niyang kritiko — bilang paninindigan at pagpapakita ng suporta sa nakapiit niyang chief of staff na si Zuleika Lopez, alam ko nang magkakagulo.
Kung pakasusuriin ang mga ginawang ito ni Inday, walang dudang ikokonsidera ng kanyang mga tagasuporta na pagpapakita ng kagitingan ang ginawa ng kanilang bayaning tubong Davao: isang nakakabagbag ng damdaming nagpapakita ng pakikipagkaisa, isang may paninindigang pagpapamalas ng katapatan sa kanyang tauhan!
Pero dumadami rin ang nagdududa na sa kanya — karamihan ay kabilang sa mga sobrang bilib sa kanya kaya naman inihalal nila siya bilang ikalawa sa may pinakamataas na posisyon sa bansa, pero ngayon ay sobrang dismayado na — kinukwestiyon ang kanyang pamumuno sa OVP at sa Department of Education sa nakalipas na mahigit dalawang taon.
Ang mga alegasyon sa paggamit niya ng confidential funds — partikular na ang nakalululang P125 milyon na ginastos sa loob lang ng 11 araw — ay nagbigay ng pingas sa kanyang dati ay matatag na political persona.
Bagamat maraming hindi kaaya-aya tungkol sa kahina-hinala at posibleng may ibang intensiyon na paraan ng pamumuno sa Kamara — lalo na sa ilalim ng ambisyosong presidential cousin na si Rep. Martin Romualdez — ang pangunahing argumento na iginigiit ng kanyang mga kaalyado at ng mga progresibong kasapi ng Kamara ay may katwiran naman at nakaugat sa pagkakaroon ng pananagutan at disiplina sa paggastos sa pera ng taumbayan.
Bakit nga ba patuloy na umiiwas si VP Sara na sagutin ang paulit-ulit na itinatanong sa kanya? Bakit hinahayaan niyang ang kanyang mga opisyal ang malagay sa alanganin sa halip na humarap siya at direktang sagutin ang mga pag-uusisa ng Kongreso sa mga nauna nitong pagdinig?
Dahil dito, ang determinasyon niyang magdaos ng vigil kasama ang detinidong si Lopez ay umaakit ng mga hindi kagandahang espekulasyon. Naghihinala ang mga kritiko na hindi lamang ito simpleng pagdamay — tungkol ito sa pagkontrol kay Lopez.
Lalo na, sariwa pa sa alaala ng lahat ang panlalaglag ni Royina Garma sa kanyang ama. Bilang dating tapat na tauhan, hindi nagdalawang-isip si Garma na ibunyag ang sinasabing ‘reward systems’ para sa mga pulis na sangkot sa mga pagpatay sa mga “nanlaban” sa kasagsagan ng ‘war on drugs’ ni Duterte.
Ang magdamag kayang pananatili ni Inday Sara sa Batasan ay nagpahihiwatig ng takot na baka si Lopez, dahil sa panggigipit ng Kamara, ay sumunod sa yapak ni Garma at sa huli ay ilaglag din siya?
Pagkatapos ng vigil, ginawa ni Sara ang lahat upang maigiit na ilipat si Lopez sa isang pribadong ospital, kaysa sa Correctional Institution for Women — isa pang magiting na paninindigan na protektahan ang kanyang tauhan mula sa kwestiyonable rin naman talagang utos ng komite.
Pero naging malagim na ang mga sumunod na nangyari sa kanyang live online presscon kung saan nagbanta siyang ipapapatay sina President Marcos, First Lady Liza Araneta, at Speaker Martin Romualdez sakaling may nangyaring masama sa kanya.
Nasindak ang bansa sa mistulang wala na sa katinuang paglilitanyang ito, nagresulta sa pag-aalala ng publiko hindi lamang tungkol sa kalagayan ng kalusugang pangkaisipan ni Inday Sara kundi maging sa kanyang mga motibo. Ang nakababahala pa, ang pag-atake niya sa dating malapit na kaalyado ay umaalingasaw ng kawalang kapatawaran hanggang sa puntong naisantabi maging ang kapakanan ng mamamayan.
Kung iyon man ay bunsod ng pagmamalasakit sa tauhan, pagiging desperado, o kapraningan, ang mga ikinikilos at “ibinunyag” ng Bise Presidente ay hindi dapat na maglihis sa seryosong pangangailangan na sagutin niya ang napakaimportanteng tanong na ugat ng lahat ng kaguluhang ito: saan na napunta ang pera ng taumbayan?
* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app (dating Twitter). Basahin ang bago at mga nakalipas na mga issues ng kolum na ito sa http://www.thephilbiznews.com.