PINAKAMATAAS na ‘budget insertions’ o mga singit na proyekto ang naisama sa panukalang badyet ng Kongreso para sa taon ng 2026 ang distrito ng kasalukuyang House Speaker.
Ito ang ulat na inilabas ng Philippine Center for Investigative Journalism batay sa isinumiteng panukalang badyet ng Department of Public Works and Highways kung saan sumunod naman sa pinakamataas ang hepe ng House Appropriations Committee.
Umatras tayo ng bahagya. Sa naganap na malawakang pandarambong sa kasaysayan ng Pinas ay isinabit ang mga pangalan ng lider ng Kongreso at ang dating Kongresista na ngayon ay deklaradong pugante ng Sandiganbayan.
Ang dalawang ito ang pinaniwalaan ng marami sa ating mga kababayan na utak daw ng lahat ng pandarambong sa kaban ng bayan sa panahon ng kanilang pamumuno sa Kongreso na naging dahilan na rin marahil kaya nawala sa kani-kanilang trono.
Ang iskandalo ng malawakang pandarambong ay sadya naman talagang nagpainit sa damdamin ng taumbayan kaya maraming kilos-protesta na ang naganap at magaganap pa hangga’t wala pang nakakamit na hustisya sa mga tinarantadong mga proyekto.
Hindi humuhupa ang galit ng taumbayan sa iskandalong kinasangkutan ng mga mambabatas kasama ang mga opisyal ng DPWH na umabot na sa mga silid ng Malakanyang kaya ilan na rin ang nagbitiw sa kanilang mga posisyon.
Sa panahon na kung tawagin ay ‘budget season’ na kahit na ito ay atrasado na ay abala ang dalawang Kapulungan ng Kongreso sa pagbalangkas ng badyet para sa susunod na taon upang siguraduhin daw na hindi na mauulit pa ang malawakang pandarambong.
Kanya-kanyang bidahan ang mga mambabatas na pagbabantay ng binubuong badyet pagkatapos ay maglalabas ang PCIJ na ang mga bagong lider ng Kamara ay nagkaroon o tumaas ang kanilang mga singit na mga proyekto.
Kung totoo ang ulat na ito ng PCIJ ay lumalabas na wala man lang kahit konting takot o kahihiyan ang mga mambabatas na magkaroon sila ng singit na mga proyekto na sa kabila ng galit ng taumbayan ay parang walang talab sa kanilang mga kaisipan.
Mantakin ninyo, taumbayan… nag-aapoy pa sa galit ang mga Pinoy pero nakuha pa rin ng mga ito na magkaroon ng mga singit na proyekto. At sa DPWH pa talaga nagsingit ng mga proyekto na itinuring na sentro ng malawakang pandarambong. Parang inuunggoy tayo.






