MANILA, Philippines – Sinabi ni House Committee on Good Government and Public Accountability chairperson Rep. Joel Chua nitong Biyernes, Nobyembre 29 na plano nilang maghain ng panukala sa susunod na linggo na may kaugnayan sa tungkulin ng special disbursing officers (SDO).
Ito ay kasabay ng imbestigasyon ng panel ng Kamara kaugnay sa paggamit ng confidential fund ni Vice President Sara Duterte.
“Ang pinakapurpose natin in aid of legislation. By next week, magpapasa na po kami o ififile na po namin ang pieces of legislation na nabuo namin sa hearing na ito. Yung sa akin dalawa, pero may mga suggestion pa po yung iba. Lahat po yan pag-uusapan namin next week,” ani Chua.
Sinabi rin ng mambabatas na tututok ang dalawang hakbang para sa mga role ng SDO.
“Pahihigpitin po natin, para maging SDO ka, or Special Disbursing Officer, kailangan medyo mas hihigpitan natin yung requirements doon. Dahil nakikita po natin doon sa testimonya noong nakaraan, yung SDO binigay nalang po yung pera. Kusa na lamang po binigay eh talagang hindi dapat ganun,” pahayag ni Chua.
“Yung pera po na pinag-uusapan hindi naman po nila personal, pera po ito ng taongbayan kaya kailangan po mahigpit po ang ating pag-aayos dito,” dagdag pa nito.
Sa nagdaang pagdinig, sinabi ni Office of the Vice President (OVO) SDO Gina Acosta at Department of Education SDO Edward Fajarda na inilabas nila ang confidential fund ng ahensya sa kanilang designated security officers.
Ani Acosta, ibinigay niya ang P125 milyong pondo ng ahensya sa isang Colonel Lachica, ang head ng Vice Presidential Security and Protection Group.
Ganito rin ang sinabi ni Fajarda na nagsabing ibinigay niya ang P112.5 milyong confidential funds ng DepEd kay Colonel Dennis Nolasco, ang security officer ng ahensya.
Kapwa inihayag nina Acosta at Fajarda na ang aksyong ito ay batay sa utos ni Duterte.
Kinwestyon ito ng mga mambabatas at sinabing ang SDO ang may responsibilidad na mag-disburse ng confidential funds at hindi pwedeng ipasa sa ibang tao ang trabahong ito.
Ani Chua, layon ng ihahaing panukala na maiwasang maulit ang mga ganitong pangyayari.
“Yung SDO dapat medyo hihigpitan talaga natin. Para sa susunod, hindi na talaga nila pwede idahilan na utos ni ganito, ni ganito, may utos ni ganun,” aniya.
“Papaano po niya babayaran? In the event naman po na ito ay nawala, kung sakali hindi ito ganun kalaki let’s say P100 million, papaano naman niya babayaran yun. Nakita naman po natin yung salary grade niya, mukhang wala siyang kapasidad na bayaran. Kahit yung buong bond o insurance ay ibigay doon, malaking kakulangan parin,” paliwanag ni Chua.
Nagpaalala si Chua sa mga SDO at iba pang opisyal ng pamahalan na manatiling tapat sa kanilang sinumpaang tungkulin at hindi sa kanilang mga superior.
“Sa akin siguro ang pinakamaganda siguro diyan, unang-una alam naman po dapat nila yung utos po kapag ito ay unlawful, eh dapat po hindi naman nila sinusunod,” anang solon.
Nitong Huwebes, Nobyembre 28, nagdesisyon ang House panel na ipagpaliban ang pagdinig na orihinal na itinakda ngayong araw para bigyang daan ang pagharap ni Duterte sa National Bureau of Investigation.
“Mag-uusap usap po kami ng mga kasama kung kailangan pa yung kanilang testimony,” sagot ni Chua nang tanungin kung may schedule pa ng pagdinig ngayong taon. RNT/JGC