MANILA, Philippines – Umapaw na ang La Mesa Dam sa Quezon City, ayon sa PAGASA nitong Miyerkules, Agosto 28.
Sa ulat, umabot sa 80.16 metro ang lebel ng tubig sa dam.
Dahil dito ay inaasahang maaapektuhan ng pag-apaw ng La Mesa Dam ang mga mabababang lugar sa Tullahan River mula Quezon City kabilang ang Fairview, Forest Hills Subdivision, Quirino Highway, Santa Quiteria at San Bartolome.
Apektado rin ang Barangay Ligon, North Expressway at La Huerta Subdivision sa Valenzuela, at Malabon.
“All the residents living in the aforementioned areas especially those near the river banks are advised to be alert for further increase of water level along Tullahan River,” sinabi ng ahensya.
Matatandaan na maraming lugar sa Metro Manila ang binaha dahil sa magdamagang malalakas na pag-ulan dulot ng Habagat.
Nasuspinde rin ang pasok sa mga paaralan at pamahalaan sa National Capital Region dahil sa masamang panahon. RNT/JGC