MANILA, Philippines – Nagpahayag ng pagkadismaya ang Center for Trade Union and Human Rights (CTUHR) na ang Labor Department ay itinuturing ang isang indibidwal na nagtatrabaho ng isang oras lamang sa isang linggo bilang may trabaho na.
Sinabi ng grupo na ang depinisyon ay nakakapinsala sa paggawa at karapatang pantao ng mga Pilipino dahil ang isang oras na pagtatrabaho ay hindi katumbas ng disenteng trabaho.
“Working for one hour will get a worker nowhere,” sabi ng CTUHR sa isang pahayag.
Nabatid na batay sa depinisyon na ito, ang isang manggagawa na tumatanggap ng P645 na minimum wage sa Metro Manila ay tatanggap lamang ng humigit-kumulang P80.
Ayon sa grupo, dahil napakababa ng pamantayan sa pagsasaalang-alang sa isang tao bilang may trabaho, maraming mga Pilipino ang itinuturing na may trabaho — dahil marami na sa mga Pilipino ang itinuturing na may trabaho, ang gobyerno ay maaaring patuloy na tumanggi na gumawa ng mapagpasyang aksyon upang lumikha ng disenteng trabaho sa bansa sa pamamagitan ng pagpapabuti ng pagmamanupaktura at agrikultura.
Nangangahulugan ito na ang 95.3 porsiyentong employment rate ng bansa noong Hulyo, na kumakatawan na sa pagbaba mula sa 96.9 porsiyento noong Hunyo, ay nagtatago pa rin ng mas mataas na porsyento ng tunay na kawalan ng trabaho at underemployment, sabi ng CTUHR.
Sinabi ng grupo na ang napakababang pamantayan para maikonsidera may trabaho ang isang tao ay bumubuo ng malinh impresyon na ang sitwasyon ng employment sa bansa ay malabo.
Nanawagan ang grupo sa DOLE at sa gobyerno na agad suriin ang kahulugan at gumawa ng bago na mas makatotohanan para sa mga Pilipino, at mas tugma sa paggawa at karapatang pantao ng mga Pilipino. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)