Home NATIONWIDE Lacson: Kudeta vs Marcos’ admin, niluluto ng retired generals, pero mabibigo

Lacson: Kudeta vs Marcos’ admin, niluluto ng retired generals, pero mabibigo

106
0

MANILA, Philippines – May ilang grupo na nagsisikap na humingi ng suporta mula sa ilang kasapi ng uniformed services para sa posibleng military-backed na “people power revolution” sa gitna ng mga kontrobersiyang kinasasangkutan nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Vice President Sara Duterte, ayon kay Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” M. Lacson ngayong Linggo.

Sa pahayag, sinabi ni Lacson, dating hepe ng Philippine National Police (PNP) na walang posibilidad na matuloy dahil pawang propesyunal ngayon ang Armed Forces of the Phiilippines (AFP) at PNP.

Ani Lacson, may impormasyong nakarating sa kanya na may ilang “retiradong opisyal” na nagsisikap mangalap ng suporta mula sa loob ng Armed Forces of the Philippines (AFP).

“Medyo definite ang meron talagang nag-a-attempt pero sa labas ng AFP. Kung meron man sa loob, mangilan-ngilan siguro na nare-recruit. At ito naman sinagot ng liderato ng AFP. Sa loob naman, ako personally wala akong namomonitor base sa aking contact ko sa loob ng PNP na may ganyang mag-snowball na layunin. Pero definitely may nag-a-attempt. Karamihan ang mga retired officers,” aniya sa panayam.

Nagsilbi si Lacson sa uniformed service mula 1971 hanggang 2001 sa parehong AFP at Philippine National Police (PNP). Naging PNP Chief siya mula 1999 hanggang 2001.

Sa tanong na kung may tsansa bang magtagumpay ang ganitong pagkilos, sinabi ni Lacson na wala, dahil propesyonal ang AFP.

“As long as professional ang ating AFP and I would like to believe na professional ang ating AFP. Walang compelling reason para magkaroon ng military junta or another People Power revolution,” aniya.

Noong nakaraang taon, tinutulan ni Lacson ang panukalang military-backed na “reset” o junta sa gitna ng galit ng publiko sa mga isyu ng korapsyon, at iginiit na dapat manatili ang pananagutan sa loob ng konstitusyonal na proseso.

Binigyang-diin din niya na sa ilalim ng 1987 Konstitusyon, ang linya ng presidential succession ay nagtatapos sa House Speaker. Ito umano ang isa sa mga dahilan kung bakit niya inihain ang “Designated Survivor” bill na magpapalawak sa succession upang maisama ang pinaka-senior na miyembro ng Senado at Kamara.  Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here