MANILA, Philippines – Sinabi ni Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson nitong Miyerkules na wala pang natutukoy na iisang “overall mastermind” sa nagpapatuloy na imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee hinggil sa umano’y anomalous at ghost flood control projects, bagkus ay nakikita umano ang pattern ng lokal at magkakaugnay na katiwalian.
Ayon kay Lacson, na siya ring chair ng komite, lumilitaw sa mga nakalap na ebidensya na maaaring maraming indibidwal ang sangkot sa iba’t ibang lugar sa halip na iisang taong kumokontrol sa operasyon.
“I don’t think there’s an overall mastermind… bawat region o bawat district may sarili,” sinabi ni Lacson sa Kapihan sa Senado forum.
“Interlocking itong nangyayari. May kanya-kanyang galaw pero nagkakatugma,” dagdag niya.
Giit niya, lumilitaw na “greed” ang nagtutulak sa ganitong sistema kung saan umano’y sinasamantala ng ilang opisyal at kontraktor ang mga proyekto ng pamahalaan sa pamamagitan ng substandard na implementasyon o kaya’y ghost projects.
“Greed ito… kaya nagkakaroon ng ganitong kalakaran,” aniya.
Patuloy pa rin ang imbestigasyon ng komite na tututok sa mga partikular na proyekto na natuklasang sira o hindi umiiral, habang palalawakin pa ito sa Visayas at Mindanao.
Ayon kay Lacson, isusumite ng komite ang mga resulta ng imbestigasyon sa Office of the Ombudsman at Department of Justice para sa posibleng pagsasampa ng kaso. RNT