
MANILA, Philippines – Kinastigo ni Senator Christopher “Bong” Go ang mga intrigang nagkakaroon ng “laglagan” sa kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa pagsasabing ito ay bahagi lamang ng paninira para wasakin at paghiwa-hiwalayin ang kanilang hanay.
Sa kanyang pakikiisa sa mga tagasuporta ng dating Pangulo na nagtitipon para sa panalangin na “Bring PRRD Home” sa Liwasang Bonifacio noong Marso 15, sinabi ng matagal nang aide ni Duterte na ang akusasyong tinalikuran niya ang kanyang political mentor ay bahagi lamang ng paninira para pagwatak-watakin ang kanilang hanay na hindi kailanman mangyayari.
“Mga kababayan ko, alam n’yo ngayon, ang daming naninira sa amin. Sinasabi na kami ay naglalaglagan, mga ganun. Alam n’yo, ‘wag kayong maniwala sa mga ‘yan. ‘Yan ang tinatawag na gusto nila kami hilain pababa.
Gusto nila kaming sirain,” ang emosyonal na sabi ng senador.
Imbes na pansinin ang pagtatangkang wasakin ang mga tagasuporta ni PRRD, sinabi ni Go na ito ang panahong kailangang magkaisa ang mga Pilipino para kay Tatay Digong.
Kasama na ni Duterte simula 1998, muling idiniin ni Go na hindi matitinag ang kanyang katapatan sa dating Pangulo, sa pagsasabing ang kanilang pagsasama ay hindi lamang pampulitika bagkus ay mas malalim sa personal.
Naalala niya kung paano naging ama sa kanya si PRRD sa paghubog sa kanyang buhay at prinsipyo.