Home METRO Laguna governor, iba pa binalaan ng Comelec

Laguna governor, iba pa binalaan ng Comelec

0
Laguna governor, iba pa binalaan ng Comelec

BINALAAN ng Commission on Elections (COMELEC) sa Laguna si Governor Ramil Hernandez at iba pang mga kandidato at partido pulitikal sa paggamit ng ‘poll watchers’ at ‘coordination orientations’ para sa vote buying at iba pang mga iligal na estilo upang makapamili ng boto ngayong halalan.

Sa inilabas na pahayag ni Laguna Election Officer Atty. Patrick Enaje nitong Mayo 1, kailangang pormal na magpaalam sa COMELEC ang mga kandidato bago magsagawa ng mga nasabing aktibidad.

Dagdag pa ni Enaje, tanging mga ‘watchers’ na ang listahan ay natanggap ng COMELEC sa pagtatapos ng Abril 27, ang puwedeng dumalo sa mga nasabing pagpupulong.

“We will act without hesitation. Let this be a final notice,” diin pa ni Enaje.

Ang babala ay inilabas ng COMELEC isang araw matapos pormal na masampahan ng reklamo sa COMELEC Main Office si Hernandez at asawa nitong si Congw. Ruth sa bintang na vote buying at “pagwawaldas” ng pondo ng gobyerno (‘waste of government resources’).

Binabalak ni Hernandez na palitan ang kanyang asawa bilang kongresista sa ikalawang distrito habang balak naman siyang palitan ni Congw. Ruth bilang gobernador ng lalawigan.

Matatandaan na noong Abril 21, sorpresang binisita ni Calamba City Election Officer Atty. Marx Nicholai Delmo ang isang ‘private warehouse’ sa Brgy. Bubuyan, Calamba City, kung saan naaktuhan umano ang daan-daang mga botante mula sa Cabuyao na sumasailalim umano sa ‘poll watchers’ orientation.’

Bukod sa mga campaign t-shirt na may mukha ng mag-asawa, may libreng pagkain at umano’y cash ang bawat dumadalo.

Ayon naman kay Delmo, may “presumption of vote buying” ang ginagawa ng mga Hernandez matapos makumpirma na “libo-libong” mga botante mula sa iba’t ibang lugar sa Laguna ang hinahakot sa nasabing warehouse para bigyan ng ‘orientation.’

Kasunod nito, higit 200 piraso ng ‘Blue Card’ (health card) ang nakumpiska umano sa isang babaeng tagasuporta ni Hernandez sa Cabuyao.

Ang nasabing health cards ay pinopondohan ng Laguna Provincial Government subalit ginagamit umano ng mga Hernandez sa kanilang kampanya, kung saan nagsisilbi itong “pases” para sa mga dumadalo sa mga orientation at ‘checklist’ para mabilang ang kanilang tagasuporta.

Mayroon ding ‘QR Code’ ang nasabing health cards para umano makatanggap ng pera ang may hawak nito. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here