KUNG titingnan ang ginagawa ng lahat para maibsan ang paghihirap ng halos lahat dahil sa digmaan sa Gitnang Silangan, maganda naman bagama’t kulang na kulang na kulang.
Nariyan kahit paano ang paglalabas ng gobyerno ang ilang bilyong piso para sa mga ayuda sa daang libong tsuper, magsasaka, mangingisda at mahihirap.
Pero kulang na kulang dahil katumbas lang ang pinalalabas na badyet sa ayuda ng kikbak na P20 bilyon sa P100 bilyong insertion ng may insertion.
Naririyan din ang pagpakakalat ng kakarampot at pakunswelo de bobong P20 kada kilong bigas sa tabi ng nagmamahalang bigas.
May pangako namang hindi magtataas ng presyo ang mga producer o manufacturer ng mga delata, processed food at ilang kailangan sa kusina at pampalaman ng sikmura ngunit sa loob ng mga grocery store sa loob at labas ng mga mall, may pagtaas din.
Ang mga kompanya ng expressway, nariyan din ang kanilang mga diskwento sa mga toll bagama’t pinaniniwalang puro tubong lugaw sila makaraan ng limang taong operasyon sa tila habambuhay nilang mga kontrata sa pagpapatakbo ng mga expressway.
Tanging ang mga produktong agrikultura na madaling masira gaya ng mga fresh na gulay, isda at karne ang hindi maiwasang sumunod sa presyo ng mga produktong petrolyo kaya napakamahal na ang mga ito ngayon.
Ang hinihintay natin, mga brad, ay ang anunsyo ng mga taga-Palasyo, Senado at Kamara na ganap nilang sibakin ang kanilang mga pinagkikikbakan na mga kontrata sa gobyerno.
Wala man lang marinig mula sa kanila na kalimutan ang kanilang mga insertion sa pambansang badyet na kanilang pinagkikikbakan at ibigay bilang ayuda sa lahat.
Pati ang impeachment ay lumilitaw na gusto pa nilang pagkakitaan at hindi para sa accountability na kanilang ipinangangalandakan.
Higit dito, higit na iniintindi ng mga ungas ang agawan sa kapangyarihan hanggang 2028 kaysa tulungan ang taumbayan na labis nang naghihirap sa krisis sa langis.






