Home OPINION KALAGAYAN NG OFWs SA ME DELIKADO

KALAGAYAN NG OFWs SA ME DELIKADO

166
0

NAPAKADELIKADO na ang kalagayan ng nasa 2.8 milyong overseas Filipino worker sa Gitnang Silangan o Middle East sa gitna ng giyerang United States-Israel laban sa Iran.

Ngayong umaga, matatapos ang deadline ng US sa Iran na buksan nito ang Strait of Hormuz at kung hindi, bobombahin ng US lahat ng plantang elektrisidad ng Iran, kasama ang lahat ng balon at refineries ng langis ng Iran.

Hindi naman yumuyuko ang Iran at sa halip, binomba nito ang nuclear site ng Israel sa Dimona at ang Tel Aviv ng nuclear capable nitong missile na hindi nakayanang sanggahin ng Israel.

Nagbanta rin itong pasasabugin ang lahat ng plantang elektrisidad at balon at refinery ng langis ng Saudi Arabia, Bahrain, Kuwait, United Arab Emirates at Qatar at magkakaroon ng todong blackout sa lahat ng bansang ito na ikatitigil ng industriya at komersyo.

Idadamay na rin ng Iran ang mga desalinization plant o kumberter ng tubig-alat mula sa Persian Gulf sa tubig inumin hindi lang para sa konsumo ng tao kundi para rin sa agrikultura.

Dito na magkandahirap-hirap ang lahat madadamay pati ang mga OFW, maging ang mga taong pamahalaan sa embahada, konsulado at labor attache.

Madaraan ba sa panalangin ang lahat upang walang manganib nang todo, bukod sa mga nasa gitna ng mga conventional o ordinaryong digmaan?

BOMBANG NUKLEYAR

Nakatatakot ding isipin na pareho na umanong may hawak na bombang nukleyar ang Israel at Iran.

Sinasabing kung tuloy-tuloy ang pagbomba ng Iran sa Israel na wala nang pahinga o tulog at hindi na makapaghanapbuhay, kapwa sa hanay ng mga sibilyan at nasa pamahalaan, maaari umanong gamitin na ng Israel ang mga bombang nukleyar nito.

Ganito rin umano ang gagawin ng Iran laban sa Israel at sa lahat ng mga base militar at negosyo ng mga Amerikano, maging sa langis, sa Middle East.

NAPAKASAMANG KALAGAYAN

Kung mangyayari lahat ng ito, bombahan at pagsira sa sa mga kabuhayan sa Middle East, tunay ngang nasa peligro ang mga OFW at tiyak na magiging apektado nang masama maging ang mga pamilya OFW sa ating bansa.

Malamang na may malaking paghinto ng mga padala ng mga OFW at magiging masama sa kanilang mga pamilya rito.

Paano rin ang posibleng pagdagsa ng mga OFW na uuwi na malamang na hindi basta makapagsimula ng normal na pamumuhay sa mahal kong Pinas?

Pero unang-una, ano-ano ang mga gagawin ng pamahalaan sa pagsalo sa posibleng maramihang pagbabakwit?

Kung nahiirapan ang gobyerno sa pagbabakwit ng ilang daan o libo lang na OFW, ‘di lalong mahihirapan ito sa pagdagsa kahit sa daang libo lamang?

Marami naman ang gustong manatili roon dahil wala naman talaga silang madaratnan na normal at makataong kalagayan sa Pinas.

At dahil napakalaki ang mga nasisira sa digmaan, kailangan sila ng mga Arabo at Israelita na tumulong sa pagbangon sa kanilang ekonomiya matapos ang digmaan.

Sa kabila ng lahat ng ito, anak ng tokwa, ‘yang agawan sa kapangyarihan sa gobyerno ang inaatupag ng halos lahat ng matataas na opisyal ng pamahalaan hindi lang sa ngayon kundi hanggang 2028.

Ano ba yaaan?

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here