KASAMA tayo sa nagulat sa nabasa nating balita kamakailan na “nag-aabogado” ngayon si Solicitor General Darlene Berberabe para mabasura ang kasong libel laban kay Maria Ressa ng Rappler at researcher/reporter na si Reynaldo Santos.
Noong 2020, na-convict sa libel ang dalawa sa reklamong isinampa ng negosyanteng si Wilfredo Keng noong 2017.
Sa kasagsagan ng ‘impeachment’ noong 2012 ni CJ Renato Corona, “nagpagamit” ang Rappler sa gobyernong Noynoy Aquino kung saan pinalabas na kriminal si Keng at ‘best friend’ umano ni Corona— para lang lalo pang sirain ang pangalan at reputasyon ng yumaong CJ.
“Olats” sa Makati RTC at Court of Appeals itong si Ressa at nasa Korte Suprema na ngayon ang kanilang huling apela.
Nakatatawa na ginawang “palusot” ni SolGen Berberabe ang pagiging ‘Tribune of the People’ upang sumawsaw sa petisyon ni Ressa—na isang pekeng Pinoy dahil US passport holder—sa Supreme Court.
Dangan kasi, ang Office of the Solicitor General ang “abogado” ng Republika ng Pilipinas kaya bakit interesado ito sa isang pribadong usapin at pribadong kompanya eh, sadyang nakapagtataka.
Opisyal ba ng gobyerno itong si Ressa at Santos at ahensya ba ng gobyerno ang Rappler? Malinaw na walang pakialam ang OSG sa kaso?
At bilang “tribunal ng taumbayan,” nakialam ba si Berberabe halimbawa sa libo-libong kaso ng ating Overseas Filipino workers para mailigtas sila sa bitay o kulungan?
Akala rin siguro ni Berberabe na “mapaiikot” niya ang mga mahistrado sa argumento na may ‘one year prescription period’ lang sa pagsasampa ng ‘Cyberlibel’ gamit ang desisyon ng SC Third Division noong 2023 sa isang kaso na umakyat sa korte.
Take note, sa kasong ito, OSG ang mismong pumalag at nagsampa ng apela na walang pang desisyon ang SC en banc hanggang ngayon. Pwede ba ang argumentong ganyan, Chief Justice Alex Gesmundo?
At hindi nagiging ‘jurisprudence’ ang anomang ‘court decision’ kung hindi aprub ng SC En Banc, bagay na alam ni Berberabe pero ipinilit niya para “palusutan” marahil ang SC?
Mainam na kastiguhin ng SC ang ganitong opisyal na abusado sa kapangyarihan.
Abangan!






