Home HOME BANNER STORY Lahat ng POGO dapat sarado na – PAOCC

Lahat ng POGO dapat sarado na – PAOCC

MANILA, Philippines – Sinabi ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) nitong Linggo, Disyembre 15 na wala na dapat Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) ang nag-ooperate sa bansa kasabay ng kanselasyon ng mga lisensya nito na epektibo ngayong araw, Disyembre 15, 2024.

Ayon kay PAOCC executive director Gilbert Cruz, imomonitor nila ang sitwasyon kasama ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR), kung saan ang lisensya ng mga nalalabing POGO ay makakansela na ngayong araw.

“May listahan tayo diyan at ang sabi sa amin ng PAGCOR na kulang-kulang mga 20 na lang ‘yan. Dapat sarado na po ‘yan hanggang katapusan. Imo-monitor natin ‘yan,” sinabi ni Cruz sa panayam ng DZBB.

“At by January, total operation na tayo dahil talagang totally, wala na talagang POGO, wala nang IGLs (internet gambling licensee), even yung nagsasabi na sila’y licensed na BPOs (business process outsourcing) natin. Hindi na pwede ‘yung mga ganun,” dagdag pa niya.

Matatandaan na noong Hulyo ay inanunsyo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa ikatlong State of the Nation Address na ipagbabawal na niya ang lahat ng POGO sa bansa dahil sa kaugnayan nito sa mga krimen kabilang ang human trafficking, serious illegal detention, at money scams.

Noong Nobyembre, nag-isyu si Marcos ng Executive Order No. 74, na nagbabawal sa lahat ng POGO at internet gaming licenses.

Ani Cruz, magsasagawa sila ng inspeksyon ng mga POGO na dapat ay tumigil na sa operasyon.

“Next week, mag-iinspeksyon na kami nung mga sinabing nagsara… Syempre ayaw namin nung baka maisahan kami, sinabi nila nagsara sila pero hindi naman talaga nagsara.”

“So by Tuesday nga may pupuntahan kaming isang malaki na POGO hub, sinasabing POGO hub, titignan namin kung talagang sila ay talagang nagsara na,” pagpapatuloy ni Cruz. RNT/JGC