Home METRO Lalaki binaril, patay, suspek nagsumbong sa pulis, arestado

Lalaki binaril, patay, suspek nagsumbong sa pulis, arestado

163
0

MANILA, Philippines – Arestado ang 47 anyos na lalaki matapos itong mag-ulat sa pulisya tungkol sa diumanong nakita niyang lalaking nakahandusay at duguan sa isang compound sa Barangay Bagbaguin, Valenzuela City.

Kinilala ni PCol Joseph G Talento, hepe ng Valenzuela City Police Station ang arestadong suspek na si alyas “Lloyd”, residente at barangay tanod ng nabanggit na barangay.

Ayon sa ulat ng pulisya, nagsumbong si Lloyd sa Police Sub-station-8, Pebrero 22, 2026.

Kuwento ng suspek, habang sakay siya ng kanyang motorsiklo, nadaanan niya ang isang lalaking duguan at nakahandusay sa nasabing lugar.

Mabilis namang rumesponde sa lugar ang pulisya na kaagad tumawag sa Valenzuela City Rescue Team.

Narekober sa lugar ang isang depormadong bala mula sa hindi pa natutukoy na kalibreng baril.

Matapos ang isinagawang ‘follow-up operation’ ng pulisya, natukoy ang pagkakakilanlan ng biktima sa pamamagitan ng mga larawan mula sa PNP E-Rogues System, at sa nakitang tattoo nito sa leeg. Kinilala ang biktima na si Paul, 32, residente ng Barangay Ugong, Valenzuela City.

Sa utos ni PCol Talento, binuo ang isang ‘Special Investigation Team (SIT)’. para sa mabilis na imbestigasyon ng kaso at sa paghanap sa suspek.

Napag-alaman na ang biktima ay nasangkot at naaresto sa iba’t ibang kaso gaya ng Theft, (2017). Comprehensive Dangerous Drugs Act (2018), Illegal Gambling (2024), at Alarms and Scandals (2024).

Sa tuloy-tuloy na follow-up operation ng ‘SIT’, direktang pinangasiwaan ni PMAJ Randy LLanderal, Assistant Chief of Police for Operation at commander ng grupo, ang pagsasagawa ng ‘CCTV backtracking’.

Nadiskubre ng grupo ang pagpasok ni Lloyd sa compound (lugar ng insidente) bandang 3:07 ng madaling araw, ilang minuto lamang matapos ang pagpasok ng biktima (3:01). Matapos ang ilang minuto ay nakitang lumabas si Lloyd bandang 3:21.

Sa CCTV recording, nakita pa si Lloyd na dumeretso sa 3S Center- Bagbaguin at iniulat ang diumano’y kanyang nakita.

Nakitaan ng mga hindi magkakatugmang pahayag si Lloyd at dito nagsimulang magduda ang pulisya.

Nadiskubre din ng mga operatiba at imbestigador na matapos mag-report ni Lloyd sa pulisya, nagtungo ito sa isang apartment sa Barangay Paso De Blas, Valenzuela City at nanatili lamang doon ng ilang minuto. Pagkatapos ay bumalik ito sa 3S Center – Bagbaguin at sinamahan ang pulisyang rumesponde sa lugar ng insidente.

Pebrero 23, bandang alas-6 ng gabi, natukoy ng pulisya ang isang testigo na kinilalang si alyas ‘Roman’, 65 anyos, residente ng Barangay Paso De Blas, lugar na nakitang pinuntahan ng suspek.

Pahayag nito, tinawagan siya ni Lloyd at sinabing may dadalhin sa kanyang bahay. Ayon pa sa testigo, nagulat siya ng iabot sa kanya ni Lloyd ang isang kalibre .45 na may lamang anim na bala. Matapos iabot ay nagmamadali aniya itong umalis.

Dito na nagsagawa ng operasyon ang grupo na pinangunahan ni PCpt Robin Santos, hepe ng Station Investigation and Detective Management Section (SIDMS), at PLt Alexznder Manalo, hepe ng Station Investigation Unit (SIU).

Kaagad inaresto si Lloyd na umaming siya ang may gawa ng krimen. Kuwento niya, nakita niya ang biktima sa aktong ninanakaw ang kanyang mga panabong na manok sa kanilang compound. Sinita aniya niya ito at mabilis itong tumakbo kaya niya binaril.

Nahaharap sa kasong Murder ang suspek. (Merly Duero)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here