MAGUINDANAO DEL SUR- AGAW-BUHAY ngayon sa ospital ang isang lalaki matapos tambangan at pagbabarilin ng hindi pa kilalang salarin habang nakuhanan ito ng shabu at baril sa kanyang sasakyan, kahapon, Setyembre 4 sa bayan ng Datu Anggal Midtimbang.
Kinilala ang biktimang si Aldren Arendain Almento, 41, may-asawa at residente ng Upper Lot 1, Sogod-Apopong, General Santos City.
Ayon kay PCOL Sultan Salman Sapal, Provincial director ng Maguindanao Del Sur Police Provincial Office, bandang 9:49 ng umaga ng Setyembre 4, 2025 naganap ang pananambang sa Sitio Ataw, Barangay Tulunan, ng naturang bayan.
Lumabas sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, minamaneho ng biktima ang kanyang kulay gray na Innova at pagsapit sa nasabing lugar ay bigla na lamang itong tambangan ng armadong suspek at pinagbabaril.
Rumesponde naman ang mga awtoridad sa nasabing lugar ng pinangyarihan ng insidente at naabutan nilang duguan ang biktima na agad naman dinala sa Maguindanao Provincial Hospital sa bayan ng Datu Hoffer, para lapatan ng lunas.
Nadiskubre naman ng mga awtoridad sa sasakyan ng biktima ang isang pakete na naglalaman ng hinihinalang shabu, digital weighing scale, at. 45 kalibre na baril.
Nagpapatuloy ang ginagawang follow-up investigation ng pulisya para alamin ang tunay na motibo sa krimen at pagkakakilanlan sa mga suspek para sa agaran pagdakip. Mary Anne Sapico