MANILA, Philippines – Patay ang isang lalaki matapos siyang pagtulungang bugbugin at paulit-ulit na hampasin ng baseball bat sa Santa Ana, Maynila noong Mayo 12 ng gabi.
Batay sa CCTV footage, makikita ang habulan ng dalawang lalaki sa Sagrada Familia Street sa Barangay 765 bandang alas-8 ng gabi. Ilang sandali pa, tinamaan sa ulo ng baseball bat ang lalaking nakahubad habang hinahabol siya ng isang lalaking naka-jersey.
Napaluhod ang biktima ngunit pinaghahampas pa rin siya ng bat. May isa pang lalaki ring sumali at sinuntok siya habang nakatayo malapit sa isang sasakyan.
Ayon sa barangay, hindi residente ng lugar ang biktima at hindi pa tiyak ang buong pinagmulan ng gulo. Gayunman, lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na nagsimula ang insidente matapos umanong bastusin ng biktima ang kapatid na babae ng isa sa mga suspek.
Dinala pa sa ospital ang biktima ngunit kalaunan ay binawian din ng buhay dahil sa matinding tinamong sugat at maraming palo.
Nadakip na ang isa sa mga suspek at nasa kustodiya ng MPD homicide section, habang dalawa pa ang nahaharap din sa kasong murder. Patuloy pa ang imbestigasyon at paghahanap ng iba pang detalye ng insidente. RNT/MND