Home METRO Lalaki patay sa Independence Day celebration sa Kawit

Lalaki patay sa Independence Day celebration sa Kawit

MANILA, Philippines – Isang lalaki ang kaagad na nawalan ng malay at mabagok sa semento hanggang sa tuluyang mamatay habang nasa kalagitnaan ng selebrasyon ng Araw ng Kalayaan sa General Aguinaldo Shrine sa Kawit, Cavite.

Inaalam pa ang pagkakakilanlan sa biktima na isang PWD (maliit ang isang paa) at nakasuot ng barong tagalog, hinihinalang kasama sa grupo ng mga bisita na galing sa Ilocos na matapos isugod sa ospital subalit hindi na ito umabot pa ng buhay sa pagamutan.

Ayon sa report, nasa kasagsagan ng isinasagawang parada para sa selebrasyon sa Araw ng Kalayaan sa Kawit Cavite ang biktima, subalit pagsapit sa harapan ng Aguinaldo Shrine ay humiwalay ito dahil nakaramdam ng hindi maganda sa katawan.

Nahirapang huminga ang biktima kaya minabuti nitong umupo subalit ilang minuto pa lamang ang nakalipas ay bigla itong nabuwal sa kinauupuan.

Tumama ang ulo nito sa semento.

Mabilis namang nirespondehan ng Kawit MDRRMO ang biktima at ikaagad na sinugod sa ospital ngunit idineklara ring patay. Margie Bautista