Home METRO Lalaki inaresto sa loob ng sementeryo sa pagpatay sa asawa ng tiyahin

Lalaki inaresto sa loob ng sementeryo sa pagpatay sa asawa ng tiyahin

MANILA, Philippines – Arestado ang isang 30-anyos na lalaki sa loob ng Manila North Cemetery sa bisa ng warrant of arrest dahil sa umano’y pagpatay sa asawa ng kanyang tiyahin sa Maynila.

Nasa listahan din ng Top 2 Most Wanted Person ang suspek sa Station Level at nahaharap sa kasong Homicide.

Ayon kay MPD PIO chief Major Philipp Ines, hindi na pumalag ang suspek at kusang sumama sa mga operatiba nang dakpin ito sa kanyang tinutuluyan bahay sa loob ng sementeryo.

Napag-alaman na nangyari ang krimen noong Àgosto 2021 sa loob din ng Manila North Cemetery.

Kuwento ng suspek, nag-amok ang suspek nang tanggihan nito ang ibinibentang ayuda mula sa barangay hanggang sa mauwi sila sa suntukan.

Matapos silang maawat ng mga kapitbahay, sumunod pa rin umano ang biktima sa bahay ng lola ng suspek.

Nang humawak na ng bote ang biktima, nagmadali na umano ang suspek na kumuha naman ng basag na bote.

“Naunahan ko lang po siya,” kwento ng suspek.

Dahil sa takot, sinabi ng suspek na sumuko siya sa pulisya isang buwan matapos ang krimen noong 2021.

Gayunman, nakapagpiyansa ito ngunit lumabas ang warrant of arrest sa kadahilanang hindi siya tumupad sa napagkasunduan areglo.

Mariin namang itinanggi ng suspek na pinagplanuhan niya ang nangyari.

Katunayan ay itinakbo pa umano ng suspek ang biktima sa ospital at pinagsisihan na ang nangyari na hindi naman aniya sinasadya. Jocelyn Tabangcura-Domenden