MANILA, Philippines- Huli ang isang construction worker matapos makuhanan ng baril habang nakatakas naman ang kanyang nakaaway sa Caloocan City.
Mahaharap ang 32-anyos na suspek sa kasong paglabag sa R.A. 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) at Batas Pambansa Blg. 881 (Omnibus Election Code).
Sa ulat, habang nagsasagawa ng foot patrol ang mga tauhan ni Caloocan police P/Col. Paul Jady Doles sa Sampaloc St., Brgy., 178 nang mapansin nila ang dalawang lalaki na nagtatalo dakong alas-2 ng madaling araw.
Nang lapitan nila para awatin ang dalawa, biglang tumakbo at tumakas ang isa sa kanila habang naaktuhan naman ang suspek na may hawak na baril kaya agad nila itong kinumpiska.
Nang hanapan siya ng kaukulang mga dokumento hinggil sa legalidad ng nakuha sa kanya na isang kalibre .38 revolver na kargado ng dalawang bala ay walang naipakita ang suspek kaya pinosasan siya ng mga tauhan Caloocan Police Sub-Station 10.
Pinuri naman ni P/BGen. Josefino Ligan, District Director ng Northern Police District, ang Caloocan City Police Station para sa kanilang mabilis na aksyon at pangako sa pagtiyak ng kaligtasan ng publiko. Rene Manahan