MANILA, Philippines – Lubos na ikinalungkot ni Senator Christopher “Bong” Go, chairperson ng Senate committee on health and demography, sa malagim na pagkamatay ng isang lalaki sa Rosario, Cavite, na nagbunsod ng mga talakayan tungkol sa estado ng healthcare system sa bansa.
Ang biktima na umano’y may matinding karamdaman ay natagpuan na lamang na wala nang buhay sa gilid ng kalsada, ilang sandali matapos umalis sa isang klinika nang hindi nasusuri.
Sa inisyal na imbestigasyon noong Huwebes, Enero 2, lumitaw na ang biktima ay sumakay sa isang mini-bus mula Cavite City patungong Rosario.
Napansin ng driver ng bus ang lalaki na nababalisa at nahihirapan kaya ibinaba niya ito malapit sa municipal hall upang makahingi ng medikal na atensyon sa isang malapit na klinika. Gayunpaman, mabilis na umalis ang lalaki nang hindi nakokonsulta ng doktor at kalaunan ay natagpuang wala nang buhay sa kalsada.
Ang insidente ay umani ng iba’t ibang reaksyon sa netizens, marami sa kanila ay sinisi ang sistema ng healthcare system sa bansa.
Ilang netizens ang nagsabi na ang mahihirap na Pilipino ay madalas na nag-aatubiling humingi ng pangangalaga sa ospital dahil sa takot sa napakaraming gastos sa medikal.
“Hindi dapat mangyari na ang isang Pilipino ay mawalan ng buhay dahil hindi niya nakuha ang atensyong medikal. Ang dekalidad na pangangalagang pangkalusugan ay hindi isang pribilehiyo para sa iilan lamang—ito ay isang pangunahing karapatan na dapat makuha ng lahat, lalo na ang mga mahihirap na higit na nangangailangan nito,” ang sabi ni Senator Go.
Bilang isang crusader para sa mga reporma sa kalusugan, nanawagan si Go na lalo pang pagbutihin ang PhilHealth, partikular sa pagpapalawak ng mga benepisyo nito at paggamit ng malaking hindi nagamit na pondo.
Kinuwestiyon niya ang katwiran sa likod ng iminungkahing zero-budget subsidy sa PhilHealth na aniya ay isang “anti-poor” at hindi naaayon sa mga layunin ng Universal Health Care (UHC) Law.
“Sa halip na bawasan ang pondo, dapat ayusin natin ang sistema. Ang pangangalaga sa kalusugan ay hindi dapat maging pabigat, lalo na sa mahihirap,” idiniin ng senador.
Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng pagpapabilis sa expansion ng benefits packages, kasama na ang coverage sa mga nangungunang sanhi ng pagkamatay, dental care, at iba pang kritikal na serbisyo sa pangangalagang pangkalusugan.
Sinabi ni Go ang pangangailangang palakasin ang healthcare infrastructure upang matiyak na walang Pilipinong maiiwan. Tinukoy niya ang mga hakbang tulad ng Malasakit Centers program na nagbibigay ng tulong-medikal at pinabibilis ang access sa mga serbisyong medikal.
Ayon sa senador, ang pagkamatay sa lansangan ng lalaking may sakit ay nagpapaalala na kailangang paigtingin ang sistema ng pangkalusugan upang ang bawat Pilipino, anuman ang estado sa buhay, ay magkaroon ng access sa abot-kaya at de-kalidad na serbisyong medikal.
Nanawagan siya sa mga healthcare provider at ahensya ng gobyerno na magtulungan sa pagtugon sa mga hadlang sa medikal na access upang walang matakot o mag-alinlangan na humingi ng medikal na atensyon. RNT