Home NATIONWIDE PRC full force sa Traslacion 2025

PRC full force sa Traslacion 2025

MANILA, Philippines – Bumubuo na ng buong puwersa ang Philippine Red Cross (PRC) upang tumulong sa buhos ng mga deboto na makikiisa sa mga aktibidad ngayong taon para sa Pista ni Hesus Nazareno.

Ang pwersa ay binubuo ng mga volunteers, kawani, at assets na ipapakalat sa buong aktibidad partikular sa Traslacion o Walk of Faith sa Enero 9.

Ayon sa Red Cross, nasa 500 boluntaryo at kawani mula sa PRC national headquarters, at kanilang chapters at sangay sa Manila, Malabon, Caloocan, Quezon City, Marikina, Pasay, Valenzuela, Makati, Mandaluyong, San Juan, Pasig/Pateros, Muntinlupa, Taguig, Paranaque, at Rizal Province ang kanilang ipapakalat sa Nazareno operations.

May kabuuang 17 first aid stations din ang itatayo sa mga strategic points ng ruta ng prusisyon ng Traslacion mula Quirino Grandstand to the Minor Basilica at National Shrine of Jesus Nazareno (Quiapo Church).

Ipapakalat din ang 18 ambulansya mula PRC chapters sa Metro Manila habang 20 ambulansya mula Central at Soutern Luzon chapters ang naka-standby sakaling kakailanganin para sa augmentation.

Maglalaan din ng 12 scooters na magagamit para sa roving medical team sa mga maliliit na kalsada na ruta ng prusisyon.

May dalawa ring rescue boats na nakahanda kasama ng iba pang assets ng PRC gaya ng rescue truck, fire truck, humvee, 6×6 at service vehicles.

Bukod dito, mayroon ding emergency medical unit, kabilang ang anim na bed emergency response (ER) module na maaring magsilbi sa paglilinis ng maliliit na sugat at 50-bed capacity ward para tumanggap at gamutin ang mga pasyente.

May kabuuang 80 tauhan, na binubuo ng limang doktor, 10 nars, 25 support allied health volunteers (mga mag-aaral, doktor, at nars), 15 kawani mula sa Health services at Metro Manila chapters, at 25 tent builders para sa set up at pagtatanggal ng emergency field.

Ayon kay PRC Chairman at CEO Richard Gordon, laging nakahanda ang red cross upang tiyakin ang kaligtasan at kapakanan ng libu-libong deboto para sa isang mapayapa at taimim na Traslacion.

Dahil sa inaasahang pagbuhos ng mga deboto, sinabi ni Gordon na magsasagawa ng mataas na antas ng pagbabanay sa kanilang mga operasyon sa pagtugon sa ground sa pamamagitan ng kanilang nakatuon na mga first aid volunteers at teams na nakahanda sa sitwasyon o krisis.

“Our Nazareno operations are a team-effort from all our chapters and branches in Metro Manila and nearby provinces. We assure the devotees that when an emergency breaks out during the procession, they will be readily accommodated at our first aid stations, and Red Cross personnel will be there to help,” dagdag naman ni PRC Secretary General Dr. Gwen Pang

Ayon sa Quiapo Church, 6.5 milyong kataon ang nakiisa sa aktibidad noong Nakaraang taon makaraang ibalik ang aktibidad matapos itong matigil dahil sa banta ng Covid-19 pandemic. Jocelyn Tabangcura-Domenden