Home HOME BANNER STORY Teodoro: Sanction ng China ganti sa crackdown ng illegal Chinese activities sa...

Teodoro: Sanction ng China ganti sa crackdown ng illegal Chinese activities sa Pinas

3
0

MANILA, Philippines – Naniniwala siDefense Secretary Gilberto Teodoro Jr. na ang sanction na ipinataw ng Beijing laban sa kanya at sa kanyang pamilya ay tugon sa kampanya laban sa illegal Chinese activities sa Pilipinas.

Ayon sa Beijing, ang hakbang na pagbawalan si Teodoro at kanyang pamilya na pumasok sa China, Hong Kong at Macau, at makipag-ugnayan sa mga kompanya ng China ay ipinataw upang “safeguard China’s national sovereignty, security, and development interests,” bagamat hindi tinukoy kung ano ang eksaktong pahayag ni Teodoro na pinatawan ng sanction.

Inilarawan ng Department of Foreign Affairs ang sanctions bilang “an unfriendly act that further complicates the bilateral relations.”

“Ako at ang aking pamilya ay pinatawan ng sanctions ng Communist Party of China dahil daw sa erroneous statements na aking sinabi tungkol sa kanila. Ako ay naglahad lamang ng katotohanan tungkol sa West Philippine Sea at tungkol sa mga illegal na gawain nila dito sa Pilipinas,” saad sa pahayag ni Teodoro.

“Patuloy kong gagampanan ang aking tungkulin at itutuloy ko din kasama ng mga ahensya ng gobyerno ang mga illegal na gawain nila tulad sa Bamban scam hub na front na nagkaroon pa ng Alice Guo at kakasara lang na Sanjia na gumagawa ng substandard at maduming bakal na ibinabaha nila sa mga mamamayan,” dagdag pa.

Inakusahan ni Teodoro ang ilang high-ranking officials ng Chinese Embassy na personal na nakialam upang itago ang umano’y illegal na aktibidad ng Sanjia.

Aniya, ang Sanjia ay pagmamay-ari ni Tony Yang, kapatid ni Michael Yang na dating presidential economic adviser ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na iniuugnay sa ilang kontrobersiya.

Ayon sa Pasay City Police, si Tony Yang ay inaresto sa reklamong falsification of public documents, perjury, at paglabag sa batas sa paggamit ng mga alyas.

“Hindi ito targeting ng Chinese nationals kundi pagsugpo ng kabalbalan na nagpapahina ng ating bansa,” sinabi pa ni Teodoro.

“Gusto ko din naman na maganda sana ang defense relations natin sa China pero hindi maaari dahil sinusubukan nilang sakupin ang nasa loob ng illegal na 9-dash line. Katrayduran kung sumangayon tayo dito,” dagdag pa.

Bilang defense chief ay nangako si Teodoro na patuloy nitong palalakasin ang kapabilidad ng Armed Forces of the Philippines.

“Gising po tayo sa mga gawain ng PROC [People’s Republic of China] sa puntong ito at may ginawa po tayo kaya ganito ang kasagutan nila. Papaano pa yung ginagawa nila sa kanilang mga mamamayan na hindi panig sa kanila at yung mga tao sa mga lugar na pilit nilang sinakop,” sinabi ni Teodoro.

“Makakaasa po kayo na lalo ko pang itutuloy ang tungkulin ko, at maliwanag ang strategy ng pagpapalakas ng ating national defense kabilang na rin ang pagpapatibay ng mga alyansa ng ating bansa sa mga kaalyado natin,” pagtatapos niya. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here