Home METRO Lalaking nang-hostage sa kinakasama, mga anak kinasuhan

Lalaking nang-hostage sa kinakasama, mga anak kinasuhan

MANILA, Philippines- Nagsampa na ng kaso laban sa isang lalaki na nang-hostage sa kanyang live-in partner at tatlong anak sa loob ng kanilang bahay sa Taguig City, ayon sa National Capital Region Police (NCRPO) nitong Biyernes.

Sinabi ni NCRPO Acting Director Brig. Gen. Anthony Aberin na naghain ng kasong ilegal detention, direct assault, alarm and scandal, at unlawful possession of bladed, pointed, or blunt weapons laban sa 28-anyos na si alyas “Raymond,” isang construction worker.

Naganap ang hostage-taking noong Huwebes ng umaga sa Barangay Bagumbayan, na nag-ugat sa domestic dispute sa pagitan ng suspek at kanyang kinakasama.

Lumala ang sitwasyon nang naging marahas si Raymond sa kanilang pagtatalo, nang manghingi ito ng pera pambili ng alak at saktan ng pisikal ang kanyang live-in partner.

Sa takot para sa kanilang seguridad, humingi ng tulong ang mga biktima, kabilang ang kanilang 8-buwang anak na lalaki at mga anak, sa Barangay Bagumbayan Security Force (BSF).

Ipinagbigay-alam naman ito ng BSF officers sa Taguig City Police Substation 12, dahilan upang rumesponde ang intelligence agents at Special Weapons and Tactics (SWAT) team.

Tinangka rin ng suspek na saktan ang mga rumerespondeng opisyal.

Natapos ang negosasyon bago mag-tanghali, kung saan nadakip ang suspek ng SWAT team at ligtas ang mga biktima. RNT/SA