ILOCOS NORTE- Tigok ang isang 20-anyos na foreign national matapos malunod sa coastal waters sa Sitio Suyo, Brgy. Baruyen, Bangui ng lalawigang ito kahapon, December 20.
Ayon sa mga awtoridad, ang biktima ay isang US Marines.
Sa imbestigasyon, ang biktima kasama ang dalawang iba pang US Marines at apat na miyembro ng Philippine Navy (Marines) ay nagpunta sa lugar para maglagay ng radar na gagamitin sa maritime surveillance bandang alas-8 ng umaga ng December 19.
Pagdating nila sa lugar ay gustong maglangoy ng biktima ngunit binalaan siya ng kanyang mga kasama at pati na rin ang mga residente roon na delikadong mag-swimming sa lugar na iyon.
Ngunit ang biktima kasama ang isa pang US marine ay nagpunta sa lugar bandang alas-12:30 ng tanghali kahapon (December 20) para maglangoy nang hindi nagpapaalam sa kanilang mga kasama.
Makalipas ang ilang sandali ay may narinig ang mga kasamahan ng biktima na humihingi ng tulong.
Agad silang sumaklolo nang malaman nilang nalulunod ang biktima.
Sinikap nilang i-revive ang biktima habang isinusugod sa Bangui District Hospital.
Gayunman, bandang alas-2:15 ng hapon ay nalagutan ng hininga ang biktima. Rolando S. Gamoso