MANILA, Philippines – SWAK SA kulungan ang isang lalaki na armado ng dalawang baril habang pagala-gala sa lansangan nang masakote ng rumespondeng mga pulis sa Malabon City.
Nahaharap sa kasong paglabag Republic Act No. 10591 (Comprehensive Law on Firearms and Ammunition) ang suspek na si alyas “Boy”, 42, residente ng Brgy., Tonsuya ng lungsod.
Sa ulat ng tanggapan ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili, nakatanggap ng report ang mga tauhan ni Malabon Police Chief P/Col. Kenneth Mission hinggil sa isang lalaki na armado umano ng baril habang pagala-gala sa Brgy., Tonsuya.
Kaagad namang rumesponde sa lugar ang mga tauhan ng Police Sub-Station 5 subalit, nang mapansin ng suspek ang kanilang presensya ay agad itong nagtangkang tumakas.
Hinabol siya ng mga pulis hanggang makorner at nakumpiska sa kanya ang isang caliber .45 pistol na kargado ng walong bala at isang revolver na kargado ng anim na bala.
Nang hanapan ng mga pulis ang suspek ng kaukulang mga dokumento hinggil sa ligaledad ng nasabing mga baril ay wala siyang naipakita na dahilan upang posasan siya. Merly Duero