Home NATIONWIDE Las Piñas, karatig-bayan babahain sa Manila Bay reclamation – Villar

Las Piñas, karatig-bayan babahain sa Manila Bay reclamation – Villar

MANILA, Philippines – Inihayag ni Senador Cynthia Villar nitong Lunes, Agosto 7 na ang reclamation sa Manila Bay ay posibleng magdulot ng anim hanggang walong metrong baha sa Las Pinas City at mga kalapit na lugar.

“Like the experience of Las Piñas, mayroon po kaming apat na river dito sa Las Piñas, Parañaque, Bacoor—Molino, Zapote, Las Piñas, Parañaque. ‘Pag itinuloy po ang reclamation in our part of Manila Bay, wala pong lalabasan ‘yung tubig ng ating apat na river at prinedict na po na babaha kami ng six to eight meters. Ang six meters po is three-story building,” sinabi ni Villar sa isang panayam.

Ayon kay Villar, chairman ng Senate environment and natural resources committee, na pinipigilan na nila ito noon pang 2010.

“Simula pa noong 2010, lumalaban na kami sa reclamation kasi ayaw po naming bumaha ang lugar namin. Kasi ‘yang reclamation, pag nagawa na ‘yan, paano natin tatanggalin ‘yan? Di na natin matatanggal kaya bago mangyari dapat lalabanan na natin,” paliwanag pa niya.

Anang senador, ibinabala na niya ito kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Environment Secretary Maria Antonia Yulo-Loyzaga.

“Nu’ng una, lumapit ako kay President at t’yaka kay Secretary Loyzaga. Pinakita ko ‘yung mapa ng proposed reclamation in our part of Manila Bay,” pahayag ni Villar.

“Sinabi ko sa kanila na kami ay legislated protected area. We are entitled to a buffer zone of three kilometers provided for by the DENR. Kaya kailangan ‘wag mag-reclamation don sa three-kilometer buffer zone namin,” dagdag niya.

“Kung ganito po ang nangyayari na ‘di na lang ako ang nagko-complain, marami nang nagko-complain, I guess we have to prepare for a public hearing,” pagpapatuloy pa.

Samantala, naniniwala naman si Villar na ang mga pagbaha dahil sa habagat at bagyo ay pinalala ng reclamation projects.

“Common sense, ‘di ba?”

Noong nakaraang linggo, nagpahayag ng pangamba ang Estados Unidos sa nagpapatuloy na reclamation projects sa Manila bay, lalo pa’t sangkot dito ang Chinese construction firm na na-blackilist ng Washington.

Nasa 5,000 ektarya ng Manila Bay ang kailangan para sa kabuuang 13 reclamation projects na inaprubahan. RNT/JGC