Home METRO Las Piñas killer na nagtago ng 22 taon timbog sa Leyte

Las Piñas killer na nagtago ng 22 taon timbog sa Leyte

1
0

MANILA, Philippines – Arestado sa ikinasang operasyon sa Leyte ang 60-taong-gulang na magsasaka matapos magtago dahil sa pagpatay ng isang konsehal ng barangay sa Las Piñas 22 taon na ang nakararaan.

Kinilala ni Las Piñas City police chief P/Col. Fermin Damiago Armendarez III ang nadakip na suspek na si alyas Roger, 60, tinaguriang provincial at district level top-most wanted person (TMWP) at tubong Cabucgayan, Biliran, Leyte.

Base sa report na isinumite ni Armendarez kay Southern Police District (SPD) director P/Brig. Gen. Glenn Oliver Cinco, naganap ang pagdakip sa suspek bandang alas 7:45 ng gabi noong Hulyo 9 (Huwebes) sa Barangay Bugho, Julita, Leyte.

Sinabi ni Armendarez na naisakatuparan ang pagsasagawa ng operasyon sa bisa ng isinilbing warrant of arrest sa ilalim ng Criminal Case No. 04-0785 sa kasong murder laban sa suspek na inisyu ni Las Piñas City Regional Trial Court (RTC) Presiding Judge Kathryn S. Sabado ng Branch 202 na walang kaakibat na rekomendasyon ng piyansa.

Ang naturang operasyon laban sa suspek ay naging matagumpay bunsod sa isinagawang koordinasyon ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa Biliran Provincial Field Unit Julita Municipal Police Station, Leyte Police Provincial Office, Police Regional Office 8, at ng Las Piñas City Police Station.

Ayon kay Armendarez, napatay ng suspek kasama ang kanyang kapatid na lalaki ang isang konsehal ng barangay sa Barangay Almanza Uno, Las Piñas City noon taong 2004 bago ito nagtago sa probinsya ng mahigit dalawang dekada.

Kasalukuyang isinasagawa sa Julita Municipal Police Station ang inisyal na dokumentasyon at pagproseso ang suspek habang naghihintay sa pag-isyu ng commitment order na manggagaling sa korte para sa paglipat ng pagkukulungan nito.

“This successful arrest sends a clear and loud message: time will not erase a crime, and distance will not hide a fugitive. Even after 22 years, our tracker teams will continue to collaborate across regions to hunt down those who flee from the law. This operation brings long-awaited justice closer to the victim’s family and underscores the relentless resolve of our police force,” ani Cinco. James I. Catapusan

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here