Home NATIONWIDE Lasing na kelot na armado ng baril sa simbahan, kalaboso sa Parañaque

Lasing na kelot na armado ng baril sa simbahan, kalaboso sa Parañaque

1
0

MANILA, Philippines – Arestado ng mga tauhan ng Baclaran Sub-Station 1 ng Parañaque City police ang isang lalaking lasing matapos manggulo sa loob ng simbahan ng Baclaran at makipagsuntukan sa isang naka-duty na guwardiya na sumita sa kanya Linggo ng hapon, Agosto 30.

Kinilala ng Parañaque City police ang suspek na isang alyas Jenevie, 30, helper, tubong Calatrava, Negros Occidental at residente ng Imus, Cavite.

Base sa report ng Parañaque City police, dakong alas-5:15 ng hapon nang madakip ang suspek makaraang rumesponde ang mga pulis sa ulat hinggil sa kaguluhang naganap sa loob ng Our Mother of Perpetual Help (Baclaran Church) sa kahabaan ng Redemptorist Road, Barangay Baclaran, sa lungsod.

Sa inisyal na imbestigasyon, nilapitan ng isang security guard ang suspek matapos mapansin ang kahina-hinalang kilos nito habang umano’y nasa impluwensiya ng alak.

Habang inilalabas ng guwardiya, sinuntok umano siya ng suspek na nauwi sa komosyon at tinulungan naman ng ilang nagsisimba na pigilan ang suspek hanggang sa dumating ang mga pulis.

Bago pa man arestuhin ay nadiskubre sa posesyon ng suspek ang isang .38 “paltik” na revolver na may serial number 143128 at kargado ng isang bala.

Dinala ang suspek sa himpilan ng pulisya habang tinatapos ang mga dokumento para sa pagsasampa ng kaso at pag-endorso nito sa Investigation and Detective Management Section (IDMS).

Nahaharap sa kasong paglabag sa Article 155 ng Revised Penal Code o Alarm and Scandal, Article 151 o Disobedience to an Agent of a Person in Authority, at Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act ang suspek sa Parañaque City Prosecutor’s Office. James I. Catapusan

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here