Home HOME BANNER STORY Leak sa confidential info ng PDEA, Batangas drug haul tututukan sa Senado

Leak sa confidential info ng PDEA, Batangas drug haul tututukan sa Senado

MANILA, Philippines – Isasaprayoridad ng Senado ang imbestigasyon sa umano’y leak sa confidential information mula sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at ang iniulat na malaking drug haul sa Batangas, sa pagbabalik ng sesyon nito sa susunod na linggo ayon kay Senador Ronald “Bato” Dela Rosa nitong Biyernes, Abril 26.

“Sa committee hearings, ‘yung mga PDEA leaks, ‘yung mga nag-leak na mga classified documents sa PDEA, pati na rin ‘yung, hihingi tayo ng update sa latest shabu haul sa Batangas,” pagbabahagi ni Dela Rosa.

Sa inisyal na ulat sa drug operation, sinabi na ang nasamsam na shabu ay tinatayang nasa mahigit dalawang tonelada sa timbang at halagang mahigit P13.3 bilyon.

Makikipagkita rin si Dela Rosa sa House counterparts para sa pagsasagawa ng pagdinig sa mga update kaugnay ng isyu.

Bukod dito, iginiit ni Dela Rosa na tututukan din sa kanilang plenary sessions ang panukala na gagawing mandatoryo ang Reserve Officers’ Training Corps.

Ang Mandatory ROTC Bill (Senate Bill 2034), na priority measure ng Marcos Administration, ay kasalukuyang nasa ikalawang pagbasa sa Senado.

Idinaos noong Setyembre 25, 2023 ang huling interpelasyon sa Senate Bill 2034.

Umaasa si Dela Rosa na maipapasa ang Mandatory ROTC Bill sa kapulungan bago ang susunod na State of the Nation Address. RNT/JGC