MANILA, Philippines – IPINAHAYAG ng pamunuan ng Bureau of Immigration (BI) na hindi nila pinayagang makapag-leave ngayong holiday season ang kanilang mga frontline personnel tulad ng mga naka-deploy sa mga airport at seaport sa bansa.
Sinabi ni Immigration Commissioner Joel Anthony Viado noong Linggo, Disyembre 22, na naglabas siya ng direktiba na ang mga frontline BI personnel ay hindi pinapayagang magbakasyon mula Disyembre 15 hanggang Enero 15.
“The ban applies to all BI port personnel, such as those deployed at the NAIA (Ninoy Aquino International Airport); the airports in Clark, Mactan, Davao and Kalibo; and Zamboanga international seaport,” ani Viado.
Ipinaliwanag ni Viado na ang pagbabawal ay magtitiyak sa publiko na ang BI ay “full force” sa panahon ng kapaskuhan.
Inatasan din ni Viado ang mga terminal head na lahat ng mga counter ay dapat may nakadeploy nila na tauhan at hikayatin ang mga darating na manlalakbay na gamitin ang mga e-gate, upang mabawasan ang oras ng kanilang pagproseso.
Mahigit 30 karagdagang opisyal ang na-deploy para dagdagan ang mga frontline operations sa mga paliparan.
“We have also in place mobile counters to help in processing should there be build-up in travelers,” dagdag pa ng opisyal.
Nauna rito, sinabi ng New NAIA Infra Corporation na inaasahang mahigit 2.2 milyong pasahero ang dadaan sa mga terminal nito mula Disyembre 20 hanggang Enero 3. JAY Reyes