Home NATIONWIDE Lebanon at Israel, nagsagawa ng unang direktang pag-uusap matapos ilang dekada

Lebanon at Israel, nagsagawa ng unang direktang pag-uusap matapos ilang dekada

301
0

BEIRUT — Nagharap sa unang pagkakataon matapos ang ilang dekada ang mga sibilyang kinatawan ng Lebanon at Israel sa usapang ginanap nitong Miyerkules sa himpilan ng UN peacekeeping force sa Naqura, bilang bahagi ng mekanismo na nagbabantay sa ceasefire noong Nobyembre 2024 sa pagitan ng Israel at Hezbollah.

Giit ni Lebanese Prime Minister Nawaf Salam, limitado ang pag-uusap sa pagpapatupad ng tigil-putukan. “We are not yet at peace talks,” aniya. Layunin umano ng usapan ang “pagtigil ng hostilities,” pagpapalaya sa mga Lebanese hostages, at “kumpletong pag-withdraw ng Israel” mula sa Lebanon.

Patuloy ang air strikes ng Israel sa Lebanon at nananatili pa ang kanilang tropa sa lima pang lugar sa timog, taliwas sa kondisyon ng ceasefire.

Inilarawan ni Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu ang pulong bilang “positive” at sinabing nagkasundo ang dalawang panig na pag-aralan ang posibleng economic cooperation, ngunit iginiit na “essential” ang pag-disarma sa Hezbollah.

Kasama sa mekanismo ang Estados Unidos, France, at United Nations. Ayon sa US Embassy sa Beirut, ang partisipasyon ng mga sibilyan ay bahagi ng pagsisikap na isulong ang political at military discussions para sa “security, stability, and a durable peace.” Dumalo rito si US special envoy Morgan Ortagus.

Sinabi ni Salam na bukas ang Lebanon sa pag-verify sa hakbang ng kanilang hukbong sandatahan para i-disarma ang Hezbollah. Dagdag pa niya, “Normalisation will follow peace. It cannot precede peace.”

Naganap ang usapan ilang araw matapos ang unang anibersaryo ng marupok na truce. Patuloy ang pag-atake ng Israel laban sa Hezbollah upang pigilan umano ang muling pagbuo ng pwersa nito. Nakatakdang baklasin ng Lebanese army ang imprastraktura ng Hezbollah sa timog ng Litani River bago matapos ang taon, ngunit nag-escalate pa rin ang atake ng Israel dahil kulang umano ang hakbang ng Lebanon.

Iniulat ng Israeli broadcaster na KAN na naghahanda ang Israel para sa isang “significant escalation” laban sa Hezbollah.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here